Indigent senior citizens tatanggap ng 12K ngayong taon

0
393

Tatanggap ng PhP 12,000 ang 4.1 milyong mahihirap na senior citizen bilang social pension ngayong taon sa ilalim ng inaprubahang PhP5.268 trilyong pambansang badyet.

Ipinaalala ni Senador Sonny Angara noong Biyernes na ang Republic Act (RA) 11916 ay nag-uutos ng 100 porsiyentong pagtaas sa buwanang pensiyon ng indigent senior citizen, mula PhP500 sa PhP1,000.

Ang RA 11916 o isang Act Increasing the Social Pension of Indigent Senior Citizens ay inamyendahan ang RA 7432, ang unang Senior Citizens Act.

“Siniguro natin na mapopondohan sa 2023 budget ang pagtaas sa monthly social pension ng ating mga indigent senior citizen. Sinulong natin ang dagdag sa pension nila lalo na at ang mga lolo at lola na makikinabang dito ay wala talagang ipon o sustento galing sa kanino man,” ayon kay Angara sa isang statement.

Sinabi niya na ang karagdagang social pension ay makakatulong sa mga mahihirap na senior citizen na mapanatili ang kanilang pang-araw-araw na kabuhayan at mga pangangailangang medikal.

Ayon sa mga alituntunin ng Department of Social Welfare and Development, ang ahensyang nagpapatupad, ang mga karapat-dapat na senior citizen ay dapat na nasa mga sumusunod na pamantayan: mahina, may sakit o may kapansanan; walang pension mula sa Social Security System, Government Service Insurance System o mula sa anumang pinagmumulan ng pensiyon sa gobyerno at pribadong ahensya; at walang anumang permanenteng pinagkukunan ng kita, kompensasyon o tulong pinansyal mula sa mga kamag-anak upang suportahan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan.

“Close to 10 percent of all Filipinos aged 65 and above are living alone. Many are not so lucky as to have savings to get them through their twilight years and there are a lot more who have no relatives who will take care of them,” ayon kay Angara.

Unang ipinakilala noong 2010, ang social pension para sa mga mahihirap na senior citizen ay karagdagang tulong ng gobyerno sa ilalim ng RA 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act na nag-amyenda sa orihinal na Senior Citizens Act o RA 7432 para magbigay ng mas maraming benepisyo para sa mga Pilipinong may edad 60 pataas, kasama ang grant ng 20-porsyento na diskwento sa pagbili ng ilang mga produkto at serbisyo tulad ng mga gamot, isang special five-percent discount sa mga pangunahing bilihin at pangunahing pangangailangan, at isang exemption sa value added tax on the sale of goods and services.

Ang dalawang batas ay inakda ng ama ni Angara, ang yumaong dating Senate President Edgardo Angara.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.