MAYNILA — Nakatakdang humingi ng kopya ang House Infrastructure Committee (Infracomm) ng tinaguriang “Cabral files,” na umano’y naglalaman ng mga dokumento kaugnay ng mga kontratang pinasok ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na may kaugnayan sa isyu ng flood control projects.
Ayon kay Infracomm Committee Co-Chairman Terry Ridon, layunin ng hakbang na ito na tiyakin ang authenticity ng mga nasabing dokumento at masagot ang ilang katanungang kaugnay ng nilalaman ng mga ito.
Sinabi ni Ridon na ang tinatawag na Cabral files ay posibleng naglalaman ng mga talaan ng insertions at ng mga proponents ng ilang proyekto na dumaan sa tanggapan ni dating DPWH Undersecretary Catalina Cabral.
Dagdag pa niya, balak din ng komite na humingi ng kopya ng mga dokumento mula sa Office of the Ombudsman, subalit kinakailangan muna nilang maghintay kapag tapos na ang isinagagawang forensic inquiry ng ahensya sa mga files at electronic devices na may kaugnayan kay Cabral.
Ipinahayag ni Ridon ang paniniwalang walang dahilan para hindi mabigyan ng kopya ang House Infracomm at House Committee on Public Accounts sakaling maibigay na rin ng DPWH ang parehong mga dokumento sa Ombudsman.
Aniya, inaasahang magpapadala ang komite ng pormal na request sa DPWH sa susunod na linggo upang makuha ang nasabing files.
Nilinaw rin ni Ridon na ang paghingi ng kopya ng Cabral files ay nakabatay lamang sa pangangailangan at hindi nangangahulugan na agad itong sasailalim sa masusing pagsusuri ng komite.
Ang mga government infrastructure files o dokumento kabilang ang plans, permits, contracts, reports, at maps ay hindi basta tinatanggap bilang lehitimo. Ang mga ito ay ina-authenticate sa pamamagitan ng kombinasyon ng legal, administrative, at technical verification processes, gaya ng pagberipika sa issuing authority, lagda at approvals ng mga awtorisadong opisyal, consistency ng mga detalye, at pagtutugma ng dokumento sa opisyal na talaan at pisikal na proyekto. Ang ganitong proseso ang ginagamit upang matiyak na ang mga dokumento ay tunay, maaasahan, at may sapat na batayan bago gamitin sa imbestigasyon o pagbalangkas ng polisiya.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






