MAYNILA — Inilabas ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste nitong Huwebes ang panibagong hanay ng mga dokumento na umano’y ibinigay sa kanya ng yumaong Public Works Undersecretary Maria Catalina Cabral, na naglalaman ng buod ng allocations ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kada distrito, lalawigan, at rehiyon mula 2023 hanggang 2026.
Ayon kay Leviste, mahigit 60 screenshots ang inilathala niya sa kaniyang Facebook page noong Araw ng Pasko. Tinatayang higit P3.5 trillion ang kabuuang halaga ng allocations, na aniya ay katumbas ng humigit-kumulang P130,000 kada pamilyang Pilipino.
Ipinaliwanag ni Leviste na ang mga dokumentong inilabas niya noong nakaraang araw ay tumutukoy naman sa 2025 allocations ng DPWH kada congressional district. Ang nasabing buod ay nagpakita ng “allocable” o budget na inilaan sa DPWH projects sa ilang distrito na umabot sa P401.3 billion, na umano’y lumobo sa P1.041 trillion dahil sa tinatawag na “outside allocable.”
“Ito naman po ay 2023-2026. Ito po ay base sa datos na ibinigay ng DPWH, with the approval of Secretary Vince Dizon, kasama ng aming kompilasyon ng budget data,” pahayag ni Leviste.
Batay sa pagsusuri sa mga screenshots, ang may pinakamalaking regional allocation mula 2023 hanggang 2026 ay ang Region III (Central Luzon) na may kabuuang P406.927 billion. Sinundan ito ng Region IV-A (Calabarzon) na may P341.876 billion at Region V (Bicol Region) na may P272.366 billion. Ang National Capital Region (NCR) naman ay may P231.412 billion na alokasyon.
Ang iba pang rehiyon, mula sa may pinakamalaki hanggang pinakamaliit na allocation, ay ang mga sumusunod: Region VIII (Eastern Visayas), P214.351 billion; Region X (Northern Mindanao), P214.112 billion; Region IV-B (Mimaropa), P202.945 billion; Region I (Ilocos Region), P188.69 billion; Region II (Cagayan Valley), P178.356 billion; Region VII (Central Visayas), P177.23 billion; Region XI (Davao Region), P169.212 billion; Region XIII (Caraga Region), P149.133 billion; Cordillera Administrative Region (CAR), P119.96 billion; Region VI (Western Visayas), P111.802 billion; Region XII (Soccksargen), P109.755 billion; Region IX (Zamboanga Peninsula), P93.947 billion; Negros Island Region (NIR), P91.823 billion; at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), P28.489 billion.
Ipinakita rin sa mga inilabas na screenshots ang pinakamalalaking allocations kada distrito sa loob ng mga rehiyon. Sa Metro Manila, nanguna ang Taguig City 1st District na may P18.433 billion, sinundan ng Quezon City 4th District na may P14.17 billion, at Valenzuela 1st District na may P9.707 billion.
Kabilang sa iba pang mga distrito na may pinakamalalaking allocations mula 2023 hanggang 2026 ang Ilocos Norte 1st District, Abra Lone District, Nueva Vizcaya Lone District, Bulacan 3rd District, Quezon 1st District, Occidental Mindoro Lone District, Albay 2nd District, Cebu 7th District, Leyte 1st District, Bukidnon 3rd District, at Agusan del Norte 1st District, ayon sa kani-kanilang rehiyon.
Sinabi ni Leviste na ang mga screenshots na inilabas niya ay tumutugma sa “FY2023-2025 GAA Summary.pdf” at “FY 2026 DPWH HGAB summary by DEO_LD.pdf” na kasama rin sa naturang post. Aniya, ang mga file ay ibinigay ng DPWH bilang tugon sa mga request noong budget deliberations, gayundin ang mga dokumentong mula sa tanggapan ng yumaong Cabral.
Idinagdag niya na kasama sa mga inilabas na numero ang proposed 2026 national budget, partikular ang House General Appropriations Bill (GAB), kaya maaari pa itong magbago depende sa Senate version at sa bersiyong pagtitibayin ng bicameral conference committee.
“Ang mga datos na ito ay capital outlays para sa local projects at hindi pa kasama ang Personnel Services, Maintenance and Other Operating Expenses, at Foreign-Assisted Projects,” ayon kay Leviste.
Dagdag pa niya, “Para sa mga nagkwekwestiyon: mas mabuting tanungin si Sec. Vince o ang DPWH para kumpirmahan itong P3.5T DPWH budget distribution figures. Kahit wala na po si yumaong USec Cabral, si Sec Vince at ang kanyang team ay makakasagot pa.”
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






