Inilunsad ng Quiapo Church ang logo theme para sa ‘Traslacion’ 2023

0
962

Inilunsad ng Minor Basilica of the Black Nazarene na kilala bilang Quiapo Church ang opisyal na logo sa tema ng Traslacion 2023.

Ang nabanggit na paglulunsad ang unang hakbang ng paghahanda kaugnay ng taunang kapistahan tuwing Enero 9 na din adaluhan ng milyun-milyong deboto mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Iniulat ng Church-run Radio Veritas noong Lunes na ang tema ng pagdiriwang sa 2023 ay ‘Higit na Mapalad at mga Nakikinig sa Salita ng Diyos at Tumutupad nito’ batay sa ebanghelyo ni San Lucas kabanata 11, bersikulo 28 sa Bagong Tipan ng Bibliya.

Sinabi ng Quiapo Church sa pamumuno ni Fr. Rufino Sescon na ang logo para sa Traslacion 2023 ay hango sa patuloy na paglapit ng mga deboto at mananampalataya sa simbahan, lalo na sa gitna ng coronavirus pandemic.

Idinagdag nito na ang krus ay tanda ng kaligtasan ng mga tao habang ang kulay na maroon ay hango sa damit ng Banal na Nazareno at ang orange ay simbolo ng liwanag sa gabi.

Ang kampana ng simbahan ay simbolo ng pagtawag sa mananampalataya upang magkaisa sa panalangin.

Tampok din sa logo ng Traslacion 2023 ang simbolo ng synod at rosaryo bilang pakikiisa sa paghahanda ng simbahan para sa Synod on Bishops sa Oktubre 2023 at ang patuloy na paglalakbay ng simbahan sa mga synodal consultations ng mga diyosesis.

Bilang bansa ng Pueblo Amante de Maria, itinampok ang Santo Rosaryo dahil sa pamamagitan ng panalangin, iginapos ng Mahal na Birhen ang mga mamamayan sa landas ni Hesus.

Nabanggit ng Quiapo Church na ang traslacion ay isang paraan ng synod o sama-samang paglalakbay bilang mga mananampalataya ni Kristo mula sa iba’t ibang antas ng komunidad.

Samantala, ang mukha ng Itim na Nazareno ay sumisimbolo sa liwanag ng pag-asa sa kabila ng mga hamon na patuloy na kinakaharap ng mundo sa banta ng pandemya, karahasan, kahirapan, at kagutuman, si Hesus ay nanatiling mukha ng pag-asa at ginhawa.

Dahil sa pandemya, sinuspinde sa nakalipas na dalawang taon ang Traslacion o ang prusisyon ng imahe ng Itim na Nazareno mula Quirino Grandstand hanggang Quiapo Church sa Quezon Boulevard, Maynila. Ang huling prusisyon ay ginanap noong Enero 2020.

Hindi pa inaanunsyo ng basilica kung magkakaroon ng prusisyon sa pagdiriwang sa susunod na taon. (PNA)

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.