MAYNILA — Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na iimbitahan niya si Chinese President Xi Jinping na dumalo sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit na gaganapin sa Pilipinas sa 2026.
Ang bansa ang susunod na magiging tagapangulo ng ASEAN matapos ang pormal na turnover ng chairmanship kay Pangulong Marcos sa katatapos na 47th ASEAN Summit and Related Meetings na ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Ayon kay Marcos, layunin ng Pilipinas na patatagin ang talakayan para sa matagal nang inaasahang Code of Conduct (COC) sa South China Sea, na magsisilbing gabay sa mga patakaran, prinsipyo, at pananagutan ng mga bansang may inaangking teritoryo.
“I will certainly invite him and I would make all of the efforts available, all of the means that we have available to show how sincere we are that we would like him to come to the Philippines,” pahayag ng Pangulo.
Sinabi rin ni Marcos na may mga kaibigan si President Xi sa Pilipinas, at kung magkakaroon ng positibong progreso sa usapin ng COC, magiging malaking hakbang ito tungo sa kapayapaan at katatagan sa pinag-aagawang bahagi ng South China Sea.
“If we get to that point where President Xi will actually consider coming to the Philippines, it would mean that we have made significant progress. And that would be a great thing,” dagdag pa niya.
Ang pagpapatibay sa COC ay matagal nang isinusulong sa mga pagpupulong ng ASEAN, subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito natatapos dahil may ilang kasaping bansa na nag-aatubiling magbigay ng ganap na suporta.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





