Iniulat ni Marcos sa ASEAN Summit ang panggigipit ng China sa West Philippine Sea

0
229

KUALA LUMPUR — Ibinunyag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga lider ng rehiyon ang patuloy na panggigipit ng China sa puwersa ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa gitna ng 47th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.

Sa kanyang talumpati sa 13th ASEAN–US Summit na dinaluhan ni U.S. President Donald Trump Jr., sinabi ng Pangulo na nagiging mas mapanganib ang mga maniobra ng mga barko ng China laban sa mga barko ng Pilipinas sa loob ng teritoryong pandagat ng bansa.

Binanggit din ni Marcos ang pagharang ng China sa mga lehitimong operasyon ng Pilipinas sa karagatan at himpapawid, na aniya ay nagdudulot ng panganib sa mga sasakyang pandagat at panghimpapawid ng bansa.

Kabilang sa mga isyung kanyang itinampok ang patuloy na pag-angkin ng China sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal, kung saan umano ay sinusubukan ng Beijing na gawing “nature reserve” ang lugar habang pinipigilan ang mga Pilipinong mangingisda na makapasok sa teritoryo ng bansa.

Ayon kay Marcos, ang mga hakbang na ito ng China ay malinaw na paglabag sa soberanya ng Pilipinas at sa karapatan ng mga Pilipinong mangisda, na parehong ginagarantiyahan sa ilalim ng pandaigdigang batas.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo