Iniutos ng ICC ang paglalatag na ang ebidensiya laban kay Duterte

0
97

MAYNILA. Inutusan na ng Pre-Trial Chamber ng International Criminal Court (ICC) ang pagsisimula ng “disclosure of evidence” o paglalatag ng mga ebidensiya sa kasong kinakaharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa ulat ng One News, nakasaad sa isang 7-pahinang kautusan na may petsang Marso 21 na inatasan ng ICC Pre-Trial Chamber I ang ICC prosecutor na magsumite ng mga obserbasyon at tumugon sa ilang mahahalagang tanong kaugnay ng mga ebidensiya at testigong ihaharap laban kay Duterte. Itinakda rin ang pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga kaso laban sa dating pangulo sa Setyembre 23.

Sinimulan na rin ng mga pre-trial judges ng ICC ang proseso ng paghahayag ng mahahalagang impormasyon. Ang naturang direktiba ay bahagi ng tinatawag na “disclosure of evidence,” isang hakbang upang matiyak na ipinaalam sa akusado ang mga ebidensiyang balak gamitin ng prosekusyon sa susunod na pagdinig.

Sa kautusan, inutusan ang ICC prosecutor na sagutin ang 15 tanong, kabilang ang:

  • Kabuuang bilang ng nakasulat na ebidensiya
  • Mga nakasulat na testimonya
  • Mga recordings, larawan, at video na isusumite bilang bahagi ng kaso

Bukod dito, inatasan din ang prosekutor na magsumite ng pangkalahatang impormasyon ukol sa mga testigong ipiprisinta at kung may plano silang humiling ng anonymity para sa ilang potensyal na saksi.

Bagaman kinikilala ng mga hukom na ang posisyon ni Duterte sa kaso ay nakabatay sa ebidensiyang ihaharap ng prosekusyon, binigyang-diin nilang dapat ding mabigyan ng pagkakataon ang defense team ng dating pangulo upang magsumite ng obserbasyon at sagutin ang mga preliminary questions.

Patuloy na susubaybayan ang magiging takbo ng kaso, lalo na’t ito ay may kaugnayan sa kontrobersyal na kampanya laban sa droga noong administrasyong Duterte.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.