Intsik arestado, P4-B shabu nasabat sa Baguio City

0
337

Baguio City. Nasamsam ng pinagsanib na pwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang 575 kilograms ng hinihinalang shabu na tinatayang may street value na P4 bilyon. Arestado ang isang suspek na Chinese national sa operasyon na isinagawa kahapon ng umaga.

Ayon kay NCRPO chief Maj. Gen. Edgar Alan Okubo, ang 51-anyos na si Ming Hui, ay inaresto sa pagpapatupad ng search warrant sa Purok 4, Irisan, Baguio City kahapon bandang 8:55 a.m. Ang search warrant ay inisyu ni Baguio City Regional Trial Court Executive Judge Rufus Malecdan Jr. noong Martes.

Sinabi ni Okubo na nag-ugat ang operasyon sa surveillance operations ng NCRPO, sa pakikipag-ugnayan ng PDEA, upang hanapin ang posibleng storage site ng malaking haul ng ilegal na droga at napag-alamang ito ay nasa Baguio City.

“Due to the unfavorable operating environment of these illegal drug syndicates in Metro Manila and rigorous anti-illegal drugs operation of NCRPO, these drug syndicates had no other choice but to hide these illegal drugs to Baguio City, which is known to have very low cases of drug affectation, thereby, becomes conducive for less likelihood of detection,” ayon sa kanya.

Sinabi ni Okubo na lumabas sa inisyal na imbestigasyon na ang mga nasabat na iligal na droga ay ipamamahagi o ibebenta sa Luzon.

Idinagdag niya na kukunin ng PNP ang custody ng mga nakalap na ebidensya para sa pag-iingat at karagdagang imbestigasyon habang ang PDEA ay nagsasagawa ng drug profiling upang maitatag ang DNA ng narcotics at makatulong sa pagsasagawa ng follow-up operations.

Samantala, pinasalamatan naman ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. ang lahat ng kalahok na yunit na nagtulungan upang makamit ang isang whole-of-nation approach sa paglaban sa iligal na droga.

“Ang approach dito is whole-of-the-nation, whole-of-government approach. Hindi lang gagalaw ang PDEA, hindi lang gagalaw ang kapulisyahan, hindi lang NBI, sanib puwersa lahat ito. Ang maganda rito kasama ang Cordillera police at ito ay simula lamang. Marami pa itong pupuntahan namin mga ganitong bagay,” ayon sa statement ni Abalos sa mga reporters sa isang interview sa Baguio City.

Aniya, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa PNP at iba pang law enforcement agencies na habulin ang mga high-level drug syndicates.

Samantala, sinabi ni PDEA Director Gen. Moro Virgilio Lazo na patuloy silang susunod sa utos ng Pangulo na magsagawa ng mga pagsusumikap sa pagbabawas ng drug supply at arestuhin ang mga top-level drug traffickers.

“This is one accomplishment towards the end. Kung tutuusin mo yung bulk na ito malaki ang mase-save natin sa mga gumagamit, kasi nahuli naman natin,” ayon kay Lazo.

Kinilala ni NCRPO chief Maj. Gen. Edgar Alan Okubo ang suspek na si Ming Hui, 51 anyos na inaresto sa bisa ng search warrant sa Purok 4, Irisan, Baguio City kahapon bandang 8:55 a.m. Larawang kinuha sa Facebook page ng Mindanao Voices.
Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.