MAYNILA. Nakatakdang ipatupad ang unified persons with disability (PWD) identification (ID) system sa pagtatapos ng 2025 bilang hakbang ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang labanan ang paglaganap ng pekeng PWD IDs.
“By the end of this year, meron na tayo unified ID system,” ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao. Sa kasalukuyan, magkakaiba ang itsura ng PWD IDs depende sa local government unit (LGU) na nagpapalabas nito, ngunit sa ilalim ng bagong sistema, magkakaroon ito ng ‘standard look’ upang mapadali ang beripikasyon.
Kontra Pekeng PWD ID
Dahil sa lumalalang isyu ng pekeng PWD IDs, nagbabala ang Bureau of Internal Revenue (BIR) noong Disyembre 2023 laban sa pagbebenta at paggamit ng huwad na dokumento, na itinuturing na anyo ng tax evasion. Batay sa ulat ng ahensya, umabot sa P88.2 bilyon ang naluging buwis ng gobyerno noong 2023 dahil sa maling paggamit ng PWD IDs.
Sa isang operasyon, sinalakay ng mga awtoridad ang isang maliit na kwarto sa Maynila kung saan iniimprenta umano ang mga pekeng PWD IDs na nagpapakitang inisyu ito ng mga lungsod ng Quezon City, Manila, Pasig, Muntinlupa, at Angat, Bulacan.
Samantala, binatikos ng Restaurant Owners of the Philippines (RESTO PH) ang pang-aabuso sa PWD discounts. Ayon sa grupo, “now putting a serious strain on restaurants and other businesses” ang patuloy na paggamit ng pekeng PWD IDs para makakuha ng diskwento sa mga establisimyento.
Mas Mahigpit na Sistema sa PWD ID
Simula Enero hanggang Hunyo 2025, nasa pilot implementation stage ang unified PWD ID system, ayon kay Dumlao. Kasalukuyan nang tinatapos ng DSWD ang terms of reference nito upang tiyakin ang maayos na pagpapatupad ng bagong sistema.
Nakikipagtulungan na rin ang ahensya sa National Privacy Commission upang matiyak ang data security ng mga PWD. Dagdag pa rito, makikipag-ugnayan ang DSWD sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at Philippine Statistics Authority (PSA) para sa maayos na distribusyon ng bagong ID.
Upang masigurong lehitimo ang PWD ID holders, ang bagong ID ay magkakaroon ng security features tulad ng Radio Frequency Identification (RFID). Maaari ring gamitin ng mga establisimyento ang isang webpage portal upang agad na ma-verify ang pagiging totoo ng isang PWD ID.
Sa ilalim ng Republic Act 10754, “PWDs are entitled to a grant of 20% discount and VAT exemption on the purchase of certain goods and services from all establishments for their exclusive use, enjoyment or availment.”
Sa pagsasakatuparan ng unified PWD ID system, umaasa ang DSWD na mababawasan ang pang-aabuso sa benepisyo ng mga PWD at mas mapapadali ang proseso ng pagkuha ng ID para sa mga lehitimong may kapansanan.
![](https://i0.wp.com/tutubi.ph/wp-content/uploads/2022/02/Uman002.jpg?fit=150%2C137&ssl=1)
Paraluman P. Funtanilla
Paraluman P. Funtanilla is Tutubi News Magazine's Marketing Specialist and is a Contributing Editor. She finished her degree in Communication Arts in De La Salle Lipa. She has worked as a Digital Marketer for start-up businesses and small business spaces for the past two years. She has earned certificates from Coursera on Brand Management: Aligning Business Brand and Behavior and Viral Marketing and How to Craft Contagious Content. She also worked with Asia Express Romania TV Show.