Ipinaalala ng DOLE ang mga holiday pay rules para sa Disyembre

0
557

Inilabas ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang isang mahigpit na paalala hinggil sa tamang pagbabayad ng sahod para sa mga idineklarang regular holiday at special (non-working) day sa buwan ng Disyembre. Kasabay nito, ipinalabas ang Labor Advisory No. 26, Series of 2023, ni DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma na naglalaman ng mga gabay sa wastong pagkuwenta ng sahod ng mga manggagawa para sa mga regular holiday sa Disyembre 25 at 30, at ang special (non-working) day sa Disyembre 31.

Ang mga regular holiday at special (non-working) day para sa taong 2023 ay idineklara sa Labor Advisory ng Proclamation No. 90.

Sa nasabing advisory, itinakda na ang mga empleyado na magtatrabaho sa regular holiday sa Disyembre 25 (Araw ng Pasko) at Disyembre 30 (Araw ni Rizal) ay dapat bayaran ng 200 porsiyento ng kanilang sahod para sa unang walong oras. Kung hindi makakapasok sa trabaho ang empleyado, babayaran naman sila ng 100 porsiyento ng kanilang arawang sahod, subalit kinakailangan na sila ay nagtrabaho o naka-leave of absence na may bayad sa araw bago ang regular holiday.

Kapag ang regular holiday ay sinundan ng isang araw na walang pasok o araw ng pahinga ng empleyado, nararapat silang bayaran ng holiday pay kung sila ay nagtrabaho o naka-leave of absence sa araw na ito.

Para naman sa mga nagtatrabaho ng mahigit sa walong oras o overtime, babayaran sila ng karagdagang 30 porsiyento ng kanilang kasa oras na kita sa nasabing araw, ayon sa formula: orasang kita ng arawang sahod x 200% x 130% x bilang ng oras na trinabaho.

Sa special (non-working) day na Disyembre 31, ipatutupad ang “no work, no pay,” maliban na lang kung may policy o collective bargaining agreement (CBA) ang kompanya na nagbibigay ng sahod para sa nasabing araw.

Ang mga empleyado na magtatrabaho sa nasabing special (non-working) day ay bibigyan ng karagdagang 30 porsiyento ng kanilang arawang sahod para sa unang walong oras ng trabaho. Ang mga nag-overtime ay makakatanggap din ng karagdagang 30 porsiyento ng kanilang orasang kita.

Para sa karagdagang katanungan ukol sa wastong pagbabayad ng sahod, maaaring tumawag ang publiko sa DOLE Hotline 1349 o mag-text sa 0931-066-2573, mula Lunes hanggang Biyernes, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon. Maaari rin magpadala ng mga katanungan sa pamamagitan ng electronic mail sa hotline1349@dole.gov.ph o sa Facebook Page ng DOLE.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo