Ipinaglaban ng Comelec ang panuntunan sa social media campaigning para sa 2025 Elections

0
235

MAYNILA. Matatag na dinepensahan ng Commission on Elections (Comelec) ang kanilang desisyon na i-regulate ang paggamit ng social media ng mga kandidato para sa 2025 election, sa kabila ng mga alegasyong labag ito sa Konstitusyon.

Ayon sa Comelec guidelines, kinakailangan ng mga individual aspirants, party-list groups, political parties, at kanilang mga campaign staff na irehistro ang kanilang mga social media accounts sa Education and Information Department ng Comelec.

Ipinaliwanag ni Comelec Chairman George Garcia na ang regulasyong ito ay alinsunod sa Fair Elections Act upang mapanatili ang patas na laban sa kampanya. “Ito ay isang hakbang upang subaybayan ang mga gastusin sa online campaigning ng mga kandidato,” ani Garcia, kasunod ng mga akusasyong nililimitahan nito ang ‘freedom of expression’ ng mga kandidato.

Dagdag pa ni Garcia, napakahalaga ng naturang panuntunan upang labanan ang paglaganap ng fake news na pinapalala pa ng artificial intelligence (AI) ngayong panahon ng kampanya.

“Inaatasan din ang mga kandidato at partido na isiwalat ang anumang paggamit ng AI technology sa kanilang mga campaign ads at materyales,” ani Garcia.

Bukod dito, tiniyak ng Comelec na makikipag-ugnayan sila sa mga malalaking social media platforms tulad ng Facebook, Google, at X upang mapigilan ang posibleng pang-aabuso sa online space at masigurong magiging patas ang eleksyon para sa lahat ng kalahok.

Ang bagong regulasyon ay tinutulan ng ilang mga grupo, ngunit giit ng Comelec, ito ay mahalaga upang protektahan ang integridad ng halalan sa digital na panahon.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.