Ipinahinto ng NHCP ang konstruskyon sa Fuerza de San Jose

0
439

Odiongan, Romblon. Nagpalabas ng cease-and-desist order ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) upang pigilan ang isinasagawang konstruksyon sa Rizal Park sa Banton Island, bayang ito.

Ayon sa NHCP, nakarating sa kanilang kaalaman ang tungkol sa pagtatayo sa Rizal Park sa nabanggit na isla na maaring makaapekto sa integridad ng estraktura ng Fuerza de San Jose na itinayo noong  1648. 

Batay sa Article III ng National Cultural Heritage Act of 2009, lahat ng estruktura na mahigit 50 taon na ang tanda katulad ng Fuerza de San Jose ay itinuturing na Important Cultural Properties sa kategoryang immovable cultural heritage at ang mga ito ay protektado ng batas. Hindi maaaring baguhin ang anyo at hindi rin maaaring gibain.

Inutusan din ng NHCP ang lokal na pamahalaan ng Banton sa pamumuno ni Mayor Milagros Faderanga na magpasa sa kanilang opisina ng development plan ng lugar.

Ang kautusan ay inilabas ng NHCP matapos ipaabot sa kanila ng Asi Studies Center for Culture and the Arts o ASCCA ang isang petisyon na pumipigil sa development sa Rizal Park sa lugar.

Ang Fuerza de San Jose ay nagsilbing bantayan at nagbigay ng proteksyon sa bayan ng Romblon sa pagsalakay ng mga Moro noong panahon ng Kastila.

Samantala, binabalak ng NHCP na lagyan ng historical marker sa 2022 ang pamanang kultural na Fuerza De San Jose. 

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.