Ipinatawag ng Comelec ang contractor na nagdonasyon ng P30M kay Escudero

0
334

MAYNILA. Maglalabas ngayong Miyerkules, Setyembre 11, ng show cause order ang Commission on Elections (Comelec) laban kay Centerways Construction president Lawrence Lubiano kaugnay ng umano’y paglabag sa election laws.

Ipapaliwanag ni Lubiano kung bakit hindi siya dapat kasuhan ng election offense matapos ang pagbibigay ng donasyon sa noo’y senatorial candidate at ngayo’y Senador Francis “Chiz” Escudero.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, kapag nakapagsumite na ng sagot ang contractor, susunod na hihingan ng paliwanag si Escudero. “May apat na kumandidatong senador ang nakatanggap ng campaign donation mula sa mga kontratista,” ani Garcia.

Dagdag pa niya, uunahin nilang pagpaliwanagin si Lubiano bago isunod ang iba pang contractors na nagbigay rin ng kontribusyon sa mga kandidato sa 2022 elections.

Kinumpirma ni Escudero na tumanggap ang kanyang kampanya ng P30 milyong donasyon mula sa Centerways Construction, ngunit itinanggi niya ang pag-impluwensya upang makakuha ng malalaking flood-control projects ang kompanya.

Samantala, sinabi ni Garcia na may siyam pang contractors na natukoy bilang donors ng mga kandidato, dahilan upang umabot na sa 52 ang kabuuang bilang ng mga kontratistang nagsumite ng kontribusyon sa iba’t ibang kandidato noong 2022.

Kabilang sa mga tumanggap ng donasyon ang ilang kandidato sa pagka-senador, party-lists, gobernador, at bise gobernador.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.