Ipinatawag ng Pilipinas ang Chinese envoy hinggil sa water cannon attack

0
164

MAYNILA. Ipinatawag nitong Huwebes ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Deputy Chief of Mission ng Chinese Embassy na si Zhou Zhiyong dahil muling paggamit ng water cannon ngz China laban sa mga barkong Pilipino sa Scarborough Shoal.

Ang insidente ay naganap noong Abril 30 habang isinasagawa ng Pilipinas ang isang routine at regular na humanitarian mission sa Bajo de Masinloc.

Ayon kay DFA Spokesperson Teresita Daza, mariing ipinoprotesta ng Pilipinas ang mga panggigipit, ramming, pagsunod, pagharang, mapanganib na maneuvers, at ang paggamit ng water cannons ng mga barko ng China Coast Guard at Chinese Maritime Militia laban sa mga sasakyang pandagat ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Ayon kay Daza, ang mga pag-atake ng China, lalo na ang paggamit ng water cannon, ay nagdulot ng pinsala sa mga sasakyang pandagat ng PCG at BFAR. Hinihiling ng Pilipinas na agad umalis ang mga sasakyang pandagat ng China sa Bajo de Masinloc at sa paligid nito.

Bukod sa water cannon attack, iniulat din ng PCG na naglagay ang China ng 380-metro na floating barrier na nakaharang sa entrance ng Scarborough Shoal.

Ang naturang insidente ay patuloy na nagpapakita ng mga tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea, na nagdadala ng malawakang implikasyon hindi lamang sa seguridad ng bansa kundi pati na rin sa kabuhayan ng mga mangingisda at sa karapatan sa teritoryo.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.