MAYNILA. Ipinag-utos ng Davao Regional Trial Court (RTC) Branch 15 ang pagpapalabas ng temporary protection order (TPO) pabor sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC), na nag-aatas sa Philippine National Police (PNP) na itigil ang anumang aksyon na maaaring magbanta sa kaligtasan at seguridad ng mga miyembro ng KOJC.
Sa inilabas na kautusan, binigyang-diin ng korte ang agarang pangangailangan na protektahan ang mga miyembro ng KOJC. “Hence, this court under the current situation, sees the urgency to direct the PNP XI to immediately cease and desist from any act or omission that threatens the life, liberty, or security as well as the properties of the petitioners,” ayon sa bahagi ng desisyon ng korte. Kasunod nito, inatasan ang PNP na tanggalin ang lahat ng barikadang nakapalibot sa compound ng KOJC na humahadlang sa kanilang paggalaw.
Sa pahayag ng RTC, sinabi nitong ang mga hakbang ng PNP ay “noticeably trampled the property rights” ng mga miyembro ng KOJC, pati na rin ang kanilang karapatan sa relihiyon at edukasyon na ginagarantiyahan ng Saligang Batas.
Dagdag pa rito, binigyang-diin ng korte na dapat tiyakin ng PNP na ang mga miyembro ng KOJC ay magkakaroon ng “unrestricted access” sa kanilang compound.
Ang kautusan ay kasunod ng umiiral na tensyon sa pagitan ng KOJC at PNP, lalo na sa pagtatangka ng mga awtoridad na magsilbi ng arrest warrants kay Pastor Apollo Quiboloy.
Sa kabila ng kautusan ng korte, nagpahayag si Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na hindi nila titigilan ang kanilang misyon. “Tuloy-tuloy pa rin ang aming pag-ano dyan, gagawin namin ‘yun, hahanapin talaga ‘yan. Hindi kami aalis diyan,” ani Abalos.
Gayunpaman, sinabi rin ni Abalos na kanilang lilinawin ang kautusan ng korte patungkol sa pagtanggal ng mga barikada. “But for the meantime, siguro ika-clarify namin itong ginawa ng korteng ito tungkol dito sa pag-remove ng barikada dahil sinasabi niya ‘that threatens the life, liberty etcetera’,” ayon sa kanya.
“Kasi in the first place ‘yung tinatawag nating warrant of arrest is also a court order,” dagdag pa ng kalihim.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.