Isa pang malaking pagtaas sa presyo ng langis, inaasahan sa susunod na linggo

0
408

Magdudulot ng dagdag-abala sa mga motorista ang nakaambang malakihang pagtaas ng presyo ng langis sa darating na linggo, ayon sa lokal na industriya ng langis.

Sa mga datos mula sa apat na araw na oil-trading mula Agosto 7 hanggang 10, nagpahayag si Rodela Romero, Assistant Director ng Oil Industry Management Bureau, na posibleng magkaroon ng pagtaas na nagkakahalaga ng P1.35 hanggang P1.65 kada litro ng gasolina; P1.10 hanggang P1.40 kada litro ng diesel; at P2.05 hanggang P2.40 kada litro ng kerosene.

Kung sakaling ito’y maisakatuparan, ito na ang ikalimang sunod na linggong pagtaas ng presyo ng gasolina, habang ika-anim na sunod na linggo naman para sa diesel at kerosene.

Ayon kay Romero, ang magkasunod na pagtaas ng presyo ng langis ay dulot ng pagbaba ng produksyon ng Saudi Arabia. 

Kabilang din sa mga dahilan ng pagtaas ng pandaigdigang presyo ng gasolina, ang ang mas mataas na projection ng US sa kanilang ekonomiya at ang tensyon sa pagitan ng Ukraine at Russia.

Karaniwang ipinapahayag ng mga kumpanya ng langis ang mga pagbabago sa presyo tuwing Lunes, at ipapatupad ito sa mga sumunod na araw.

Noong nakaraang Martes lamang, nagpatupad ng pagtaas ng presyo ng langis ang mga kompanya sa bansa, na nagresulta sa P0.50 pagtaas bawat litro ng gasolina, P4.00 pagtaas bawat litro ng diesel, at P2.75 pagtaas bawat litro ng kerosene.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo