Calamba City, Laguna. Patay sa insidente ang isang 45 anyos na lalaki habang sugatan naman ang dalawang babae matapos silang ambusin ng hindi pa nakikilalang mga armadong kalalakihan bandang 12:30 ng gabi sa Barangay Pansol, lungsod na ito.
Sa ulat ni Police Col. Milany Martirez, hepe ng Calamba City Police Station (CPS), kinilala ang namatay na si Jerome Reyes Timoteo na residente ng Caloocan City. Siya ay tinamaan ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan na nagresulta sa agarang pagkamatay.
Samantala, nasa kritikal na kalagayan ngayon ang dalawang babaeng kasama ni Timoteo na sina Ken Librado at Dailyn Taclan, kapwa mula sa Tondo, Manila. Nakaligtas naman sina Kashmir Cudyamat at Johnsen Cuyo na nagtatago sa loob ng sasakyan.
Batay sa inilabas na ulat ni Police Major Jameson Aguilar, deputy ng Calamba CPS, si Timoteo at ang apat pang kasama ay bumibiyahe sakay sa isang SUV mula sa isang resort nang biglang silang magdesisyon na bumili ng meryenda sa isang convenience store sa nasabing lugar.
Ngunit habang bumaba si Timoteo at si Taclan mula sa kanilang sasakyan, bigla na lamang dumating ang isang kotseng sedan sakay ang tatlong hindi pa nakikilalang suspek. Mabilis na bumaba ang dalawa sa mga suspek at pinagbabaril ang mga biktima.
Tumakas ang mga suspek patungo sa bypass road patungo sa South Luzon Expressway.
Narekober ng mga pulis ang 44 na empty shell ng caliber 45 pistol at anim na deformed slugs na pinaniniwalaang galing sa baril ng mga suspek.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya upang alamin ang motibo sa likod ng pag-atake na ito.
Ayon sa mga awtoridad, kalalaya lamang ni Timoteo sa kulungan sa Bicutan noong September 10, 2023, bago naganap ang trahedya, kung saan nag-celebrate sila ng kanyang mga kaibigan sa isang pribadong resort.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.