Isyu ng stolen identity: Alice Guo may kapangalan sa NBI record

0
233

MAYNILA. Lumutang kahapon ang isyu ng stolen identity sa panig ni suspended Bamban Mayor Alice Guo matapos isiwalat ni Sen. Risa Hontiveros na isa pang Alice Guo ang may record sa National Bureau of Investigation (NBI) pero magkaiba ang larawan.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig sa sinalakay na POGO hub sa Bamban, Tarlac, kinuwestyon ni Hontiveros ang tunay na pagkakakilanlan ni Guo matapos iprisinta ang nakasaad sa NBI document na litrato ng dalawang Alice Leal Guo na magkapareho ang birthday na Hulyo 12, 1986 at parehong Tarlac ang lugar ng kapanganakan.

“Is it a coincidence na may dalawang Alice Leal Guo na pinanganak on July 12, 1986, sa Tarlac? Is it a coincidence that this NBI clearance was applied just a few days before the date of filing of the delayed registration of birth of the other Alice Leal Guo in Tarlac City? Or is this a case of stolen identity?” tanong ni Hontiveros.

Tinanong din ni Hontiveros kung sino ang babae na nasa larawan at nasaan na ito sa ngayon. “Has Guo Haping assumed the identity of a Filipino woman and then nearly a decade later, ran for public office? Sino po ang babaeng ito na may pangalang Alice Leal Guo pero hindi kamukha ni Mayor? Nasaan na po siya ngayon?” dagdag pa ni Hontiveros.

Nauna rito, inilabas ni Sen. Sherwin Gatchalian ang record mula sa Board of Investments na aplikasyon ng pamilya Guo para sa Special Investors Resident Visa (SIRV) kung saan nakalagay doon na isang Guo Hua Ping ang pumasok sa Pilipinas noong Enero 12, 2003 noong 13-anyos pa lamang ito.

Hiningi na ni Hontiveros sa NBI ang biometrics ni Guo Hua Ping at Mayor Alice Guo para ikumpara ang kanilang fingerprints. Kinuwestiyon din ni Hontiveros kung bakit kailangan pang nakawin umano ni Guo Hua Ping ang pagkatao ni Miss Alice Leal Guo kung mayroon na siyang validly-issued investor’s visa.

Ang mga tanong na ito ay nagdudulot ng malaking isyu sa pagkakakilanlan ng nasabing opisyal at inaasahang magbibigay ng kaliwanagan sa mga susunod na pagdinig.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo