MAYNILA – Asahan ang mga pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngayong Biyernes dahil sa epekto ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) at Northeast Monsoon (Amihan), ayon sa PAGASA.
Sa ulat na inilabas alas kuwatro ng umaga, sinabi ng ahensya na magdudulot ang ITCZ ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na ulan at pagkidlat-pagkulog sa Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Western Visayas, Negros Island Region, Zamboanga Peninsula, BARMM, SOCCSKSARGEN, Davao Region, at Lanao del Norte.
Makakaranas din ng parehong kondisyon ang Cagayan, Isabela, at Aurora, kaya’t pinag-iingat ang publiko sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa bunsod ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.
Samantala, ang Northeast Monsoon ay magdudulot ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mahihinang pag-ulan sa Hilagang Luzon, habang posible rin ang panandaliang ulan at pagkulog sa iba pang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao.
Ayon pa sa PAGASA, may Low Pressure Area (LPA 10i) na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na patuloy na mino-monitor. Huling namataan ito sa layong 1,710 kilometro silangan ng Southeastern Mindanao at may katamtamang tsansa na maging tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras.
Pinayuhan ng PAGASA ang publiko na patuloy na mag-monitor sa mga pinakahuling abiso lalo na sa mga lugar na inaasahang makararanas ng pag-ulan.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





