Itinanggi ng PCG na “planted” ang mga sakong narekober sa Taal Lake

0
540

MAYNILA. Mariing itinanggi ng Philippine Coast Guard (PCG) na “planted” ang mga sako na natagpuan sa Taal Lake sa gitna ng kanilang search and retrieval operations kaugnay sa kaso ng mga nawawalang sabungeros.

Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Linggo, sinabi ni PCG spokesperson Captain Noemi Cayabyab na lehitimo ang isinasagawang diving operations bilang bahagi ng opisyal na imbestigasyon.

“Itinatanggi ito ng PCG [na planted lang ang mga nakitang sako sa Taal Lake]. Ang layunin ng bawat diving operations namin ay makapagbigay ng hustisya at katotohanan. Nawa’y mawala ang mga ganitong espekulasyon dahil bawat sisid ng PCG, buhay nila ang nakataya,” ani Cayabyab.

Ayon sa Department of Science and Technology, may sukat na 234 square kilometers ang Taal Lake, siyam na ulit na mas malaki kaysa sa Lungsod ng Maynila, at may lalim na 198 metro, katumbas ng isang gusaling may 60 palapag.

Isa umano sa mga pangunahing hamon ng mga diver ay ang maputik at malabong tubig sa ilalim ng lawa.

“Continue po ang diving operations hanggang may na-retrieve. Naka-depende rin ang tagal ng diving operation sa weather, current, at alert level ng Taal Volcano,” dagdag pa ni Cayabyab.

Kabilang sa mga narekober ng mga diver ng PCG ang limang sako. Dalawa sa mga ito ay hinihinalang may lamang buto, isa ay may sunog na buto, at ang natitirang dalawa ay may lamang mga bato.

“Halos magkakalapit [ang mga sakong nakuha]… halos 20 meters lang. Masinsin ang ating diving operation. We make a good search pattern just to make sure na wala tayong malalagpasan,” paliwanag ni Cayabyab.

Naglabas na rin ng underwater video footage ang Coast Guard upang ipakita ang aktwal na operasyon sa ilalim ng lawa.

Bagama’t pinapayagan pa rin ang paglalayag ng mga watercraft sa Taal Lake, may mga itinalagang security personnel sa mga lugar na saklaw ng imbestigasyon.

Ang naturang operasyon ay isinagawa base sa impormasyon mula sa whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan alyas “Totoy,” na nagsabing patay na ang mga nawawalang sabungero.

Ayon sa ulat, hindi bababa sa 34 na sabungeros ang naitalang nawawala sa iba’t ibang bahagi ng Luzon mula Abril 2021 hanggang Enero 2022. Kabilang sa mga lugar na may kaso ng pagkawala ay ang Laguna, Batangas, Bulacan, Rizal at Maynila. Isang biktima ang kumpirmadong dinukot sa kanyang tahanan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.