Itinigil ng Kuwait ang pag-iisyu ng mga entry visa para sa mga Pilipino

0
212

Itigil ng Kuwait ang pag-isyu ng mga bagong visa para sa mga Pilipino, ayon sa ulat ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas (DFA) noong Biyernes.

Sinasabing ito ay dahil sa hindi pagsunod ng Pilipinas sa isang labor agreement  ng dalawang bansa, subalit hindi tinukoy ng interior ministry ng Kuwait ang partikular na seksyon sa kasunduan na nilabag ng Pilipinas, ayon sa DFA.

Inanunsiyo ng DFA na agad na magiging epektibo ang pagpapahinto sa pag-iisyu ng visa na iiral  “until further notice.”

Umaasa ang DFA na malulutas ang isyung ito. “… We are confident that with our friendly relations and strong people-to-people links, we shall be able to find a mutually satisfactory solution that will take into account the need to provide maximum protection and access to justice for all our nationals working in the country,” ayon dito.

Ang mga Pilipinong babalik mula sa Kuwait ay makakatanggap ng tulong mula sa DFA, Department of Migrant Workers (DMW), at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). May mga spekulasyon na ang pagpapahinto sa pag-iisyu ng visa ay bilang pagsalungat sa pagbabawal ng Pilipinas sa pagpapadala ng mga bagong manggagawa sa Kuwait matapos ang pagpatay sa 35 anyos na si Jullebee Ranara sa kamay ng anak ng kanyang amo.

Dahil dito, sinuri ng mga senador ng Pilipinas ang labor agreement ng dalawang bansa na pumapabor sa mga karapatan ng mga OFW, na nilagdaan noong 2018 matapos ang pagkamatay ni OFW Joanna Demafelis.

Sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega sa isang panayam sa radyo noong Biyernes na pinag-uusapan na nila ang pag-alis ng ban sa deployment, ngunit kailangan pa nilang talakayin ito sa iba pang kinauukulan ahensya ng pamahalaan.

Mayroong 268,000 Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho sa Kuwait.

Sinabi ng DMW noong Biyernes na handa itong tumulong sa mga OFW na naapektuhan ng desisyon ng Kuwait na itigil ang pag-iisyu ng visa para sa mga Pilipino.

Patuloy umanong isusulong ng DMW ang labor diplomacy  upang tiyakin ang kagalingan at kaligtasan ng mga OFW, habang hinihintay ang karagdagang mga detalye mula sa pamahalaan ng Kuwait.

Hinihikayat ang mga apektadong OFW patungo sa Kuwait na makipag-ugnayan sa DMW sa pamamagitan ng National Reintegration Center for OFWs (NRCO) sa hotlines na 09567821309 at 09603532532 o mag email sa nrco@dmw.gov.ph.

“We assure everyone that the DMW will work with all of its partners to mitigate the impact of this recent development to our Kuwait-bound workers,” dagdag pa ng DMW.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo