Japan magtataas ng visa fee simula 2026

0
340

MAYNILA – Itataas ng pamahalaan ng Japan ang bayad sa pag-isyu ng visa pagsapit ng fiscal year 2026, ang unang pagtaas sa loob ng halos kalahating siglo. Kinumpirma ito bilang opisyal na ulat nitong Miyerkoles, Nobyembre 12.

Kasama sa reporma ang karagdagang singil para sa mga dayuhang mag-a-apply ng pagbabago o pag-renew ng kanilang residence status. Isasama ito sa susunod na comprehensive economic measures ng Japan.

Ayon sa pamahalaan, ipatutupad ang bagong singil sa Abril 2026. Sa kasalukuyan, 3,000 yen o humigit-kumulang ₱1,100 ang bayad para sa single-entry visa. Mas mababa ito kumpara sa singil ng ibang bansa tulad ng Estados Unidos na may visa fee na USD185 (₱10,900 o 29,000 yen), United Kingdom na 127 pounds (₱9,500 o 26,000 yen), at European Union na 90 euros (₱5,600 o 16,000 yen).

Itataas ng Japan ang visa fee upang tugunan ang pagtaas ng gastos sa pagproseso at upang maayon ito sa presyo ng mga pangunahing bansa.

Balak ng gobyerno na gamitin ang karagdagang kita mula sa visa fees para pondohan ang mga hakbang laban sa overtourism, lalo na sa mga destinasyong labis na dinarayo ng mga turista.

Ang eksaktong bagong rates ay iaanunsyo kasabay ng pinal na budget para sa fiscal year 2026, ayon sa gobyerno.

Author profile
Paraluman P. Funtanilla
Contributing Editor

Paraluman P. Funtanilla is Tutubi News Magazine's Marketing Specialist and is a Contributing Editor.  She finished her degree in Communication Arts in De La Salle Lipa. She has worked as a Digital Marketer for start-up businesses and small business spaces for the past two years. She has earned certificates from Coursera on Brand Management: Aligning Business Brand and Behavior and Viral Marketing and How to Craft Contagious Content. She also worked with Asia Express Romania TV Show.