Jeep, nahulog sa bangin sa Quezon: 16 ang sugatan

0
397

Pagbilao, Quezon. Nahulog sa bangin ang isang pampasaherong jeep na ikinasugat ng 16 pasahero sa Old Zigzag Roard sa Barangay Silangang Malicboy sa bayang ito kahapon ng madaling araw.

Batay sa ulat na ipinadala kay Quezon Police Provincial Director Col. Joel Villanueva, isinugod sa Quezon Medical Center ang mga sugatan na hanggang sa oras na isinusulat ito ay kinikilala pa.

Kabilang sa mga nasugatan ang driver ng jeep na Ronnel Francia, 28 na residente ng Brgy. Tagas, San Jose, Camarines Sur na nagtamo ng sugat sa ulo at nabalian ng buto.

Sa paunang ulat ng pulisya, ang insidente ay naganap sa Bitukang Manok road dakong 3:00 ng madaling araw.

Galing ng San Jose, Camarines Sur ang jeep na may plakang PND-231 at pabalik na sana sa Dasmariñas sa Cavite nang maganap ang aksidente, ayon sa report.

Tinatahak ng jeep ang pababang bahagi ng kalsada ng diumano ay mawalan ito ng preno hanggang sa bumangga sa concrete barrier at tuluyang nahulog sa mahigit sa 100 talampakang lalim ng bangin.

Nahirapan ang mga rescuer na miyembro ng Pagbilao Municipal Disaster, Risk Reduction and Management Office at Pagbilao PNP dahil sa madilim at malalim ng lugar.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.