Jeep nahulog sa bangin sa Quezon: 3 patay, 7 sugatan

0
488

Macalelon, Quezon. Tatlo ang patay at 7 ang nasugatan matapos mahulog sa bangin ang sinaskayang jeep sa Macalelon, Quezon province noong Sabado, ayon sa mga awtoridad.

Ayon sa ulat ng Macalelon Municipal Police Station, kabilang sa mga nasawi sa aksidente sa Barangay San Nicolas ang pahinante ng jeep at 2 menor de edad na magpinsan.

Kinilala nina Police Executive Master Sergeant Jennifer Panganiban at Police Staff Sergeant Jaymar Peria ang mga nasawi na sina Markus at Noel Orillenida, anak at pamangkin ng driver at ang pahinante ng jeep na si Alex Villaraza, pawang mga residente ng nabanggit na barangay.

Isa sa mga nasawing menor de edad ay anak umano ng may-ari ng jeep, na siyang nagmamaneho ng maganap ang aksidente. Kabilang ang may-ari sa 6 na sugatan.

Ayon sa imbestigasyon, tinatahak ng jeep ang palusong na bahagi ng kalsada nang mawalan ng preno bandang alas tres ng hapon.

Sa bigat ng kargang niyog at sako-sakong kopra, bumulusok umano ang jeep pababa hanggang sa mahulog sa bangin sa gilid ng kalsada.

Agad sumaklolo ang mga tauhan ng Philippine Army na nakabase sa lugar, mga pulis at tauhan ng municipal disaster office.

Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital sa Gumaca, Quezon ang mga nasugatan.

Ayon sa ulat ng Macalelon Municipal Police Station, kabilang sa mga nasawi sa aksidente sa Barangay San Nicolas ang pahinante ng jeep at 2 menor de edad na magpinsan. Photos credits: Macalelon MPS-PEMS

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.