Kalat na ang ASF sa lahat ng rehiyon maliban sa NCR

0
223

Apektado na ng African Swine Fever (ASF) ang lahat ng rehiyon sa Pilipinas maliban ang Metro Manila.

Batay sa ulat ng Bureau of Animal Industry (BAI), naitala ang kaso ng ASF sa 16 na rehiyon, maliban sa Metro Manila kung saan wala namang hog raisers sa lugar.

Sa kabila nito, nilinaw ng Department of Agriculture (DA) na ang datos ay hindi nangangahulugan na apektado ng ASF ang buong rehiyon.

“Hindi naman lahat ng barangay or municipalities in those region ay affected ng ASF,” ayon kay DA Assistant Secretary Rex Estoperez.

Kabilang sa mga tinukoy na ASF-free ay ang probinsya ng Batanes, La Union, Ilocos Sur, Quirino, Albay, Negros Occidental, Negros Oriental, Eastern Samar, Biliran, Bohol, Oriental Mindoro, Palawan, Romblon, Aklan, Antique, Misamis Oriental, at Bukidnon.

“That’s a viral infection kasi so talagang mabilis yung pagkalat. We are trying our best to implement the protocol dun sa World Animal Health but it seems yung iba naman di nag re-report eh,” ayon pa rin kay Estoperez.

Kasunod nito, sinabi din niya sa hog raisers na iwasan muna ang pagpapakain ng bigas sa mga baboy.

Inabisuhan din niya ang publiko lalo na ang mga bibiyahe sa Semana Santa na huwag na munang magdala ng karneng baboy sa biyahe.

“Sa picnic, sa excursions nagkakalat tayo ng virus yung infection sa ating mga baboy. Sa damit lang po sa mga sapatos natin pwede kumalat lalong lalo na sa talagang baboy ang bitbit,” dagdagi niya.

Sa ngayon, tanging ang culling o pagpatay sa mga baboy na may sakit, ang tanging solusyon upang masugpo ang ASF lalo na’t wala pang bakuna laban dito.

Kamakailan ay sinabi ng Samahang Industry ng Agriculture (SINAG) na dapat tutukan ng bansa ang imported meat dahil posibleng may dala itong ASF.

“Ang problema yung frozen talagang hindi na nache-check ng checkpoint. Yung mga live pig may testing yan before na lumalabas doon sa mga farm,” ayon kay SINAG Chairperson Rosendo So.

Kaugnay nito, pinaghahandaan ng DA ang posibilidad ng shortage sa suplay ng karne ng baboy sa ikalawang bahagi ng taon dahil sa ASF.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.