Kamara, hindi makikialam sa flood control probe kung may madadamay na mga kongresista

0
446

MAYNILA. Tiniyak ng Kamara na hindi ito makikialam sa imbestigasyon kaugnay ng umano’y maanumalyang flood control projects sakaling may madawit na kongresista.

Ayon kay Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon, chairman ng House Committee on Public Accounts, awtomatikong tatalikod ang kanyang komite kung may mambabatas na papangalanan sa gitna ng pagsisiyasat.

“[We] will immediately recuse and yield it to… an independent third-party probe, if it will be formed, or to an executive-led probe to make sure that there will be no conflict of interest or cover-up,” paliwanag ni Ridon sa isang forum sa Quezon City nitong Sabado, Agosto 16.

Nilinaw niya na hindi titigil ang tri-committee sa kanilang trabaho, kundi tatalikod lamang sa partikular na inquiry kung saan may kongresista na madadamay. Kasama sa tri-committee ang Public Accounts, Public Works, at Good Government na kasalukuyang naghihintay ng basbas ng plenaryo bago simulan ang pagdinig.

“It’s not a witch hunt, we have to be able to afford due process… It is a project-led investigation,” dagdag ni Ridon.

Kasabay nito, muling inimbitahan ni Ridon si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na magsumite ng impormasyon kaugnay sa mga umano’y iregularidad sa mga proyekto. Nauna nang sinabi ni Magalong na may ilang kongresista umanong tumatanggap ng 30% hanggang 40% kickbacks mula sa infrastructure projects, kabilang ang flood control.

Bago ito, ibinunyag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na 20% ng P545-bilyong pondo para sa flood control projects ay napunta lamang sa 15 kontratista, kung saan lima sa kanila ay hawak ang kontrata sa buong bansa. Tiniyak din ng Pangulo na pananagutin ang sinumang mapapatunayang sangkot sa katiwalian.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.