Kamara pumalag sa pahayag ni Zaldy Co, akusasyon laban kay FL Liza itinuturing na walang basehan

0
315

MAYNILA – Mariing itinanggi ng mga opisyal ng Kamara ang pahayag ni dating kongresista Zaldy Co na may utos umano upang ihinto ang imbestigasyon sa mataas na presyo ng bigas at sibuyas bilang konsiderasyon sa First Lady Liza Araneta Marcos.

Sa isang video na ipinost ni Co noong Miyerkules, sinabi niyang sinubukan umano ng Unang Ginang na pigilan ang pagtatanong ng Kamara sa pagtaas ng presyo ng sibuyas noong 2022, umano ay pabor sa kapatid nitong si Martin na inakusahan ni Co ng pagkontrol sa importasyon ng sibuyas.

Ipinahayag din ni Co na nais umano nina House Majority Leader Sandro Marcos at Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel na mapigil ang imbestigasyon ng House Quinta Committee sa presyo ng bigas dahil maaari raw itong makasama sa First Lady.

Tinawag ni House Quinta Committee Co Chair Rep. Mark Enverga ang mga pahayag ni Co na walang batayan, hindi lohikal, katawa tawa at taliwas sa mga opisyal na rekord. Hinimok niya ang publiko na maging mapanuri at huwag tanggapin ang mga akusasyon bilang katotohanan.

Sinang ayunan ito ni Rep. Zia Alonto Adiong na nagsabing wala siyang natatandaang nabanggit na isang Martin Araneta sa anumang pagdinig, taliwas sa sinasabi ni Co.

Idinagdag ni Adiong na ang mga akusasyon ni Co laban sa First Family ay malinaw na pagtatangka upang guluhin ang pamahalaan at iwasan ang pananagutan sa umano ay pagkakasangkot niya sa mga anomalya sa mga proyekto sa flood control.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.