Kamote riders hindi isasali sa zero billing – DOH

0
482

MAYNILA. Pinag-aaralan ng Department of Health (DOH) na hindi isama sa sakop ng Zero Balance Billing ang mga tsuper at rider na nasangkot sa aksidente dahil sa paglabag sa batas trapiko, tulad ng pagmamaneho nang nakainom ng alak o hindi pagsusuot ng helmet.

Kinumpirma ni Health Secretary Teodoro Herbosa na patuloy na nakakapagtala ang DOH ng mataas na bilang ng mga kaso ng road traffic injuries na kinasasangkutan ng mga lumalabag sa safety regulations.

Batay sa datos mula sa Online National Electronic Injury Surveillance Data nitong Hulyo 2025, umabot sa 5,083 ang naitalang road traffic injuries, kung saan 3,382 ay kinasasangkutan ng motorsiklo. Sa naturang bilang, 3,197 ang walang suot na helmet habang 205 naman ang nakainom ng alak. Tatlumpu’t walo sa kanila ang binawian ng buhay dahil sa malubhang pinsala sa ulo at katawan.

Ayon kay Herbosa, kasalukuyang sinasagot ng DOH ang lahat ng gastusin ng mga biktima ng aksidente sa ilalim ng Zero Balance Billing kung ang pasyente ay nasa basic accommodation. Saklaw nito ang mga medical procedure, operasyon, gamot, laboratory tests, at iba pang gastusin sa ospital.

Gayunman, inihayag ng kalihim na pinag-aaralan ng DOH ang pagpapatupad ng polisiya na hindi isasama sa Zero Balance Billing ang mga pasyenteng nasangkot sa drunk driving o sa anumang traffic violation.

“Kailangang may pananagutan ang drayber o motorista na nasangkot sa aksidente dahil sa hindi pagsunod sa batas trapiko,” ani Herbosa, na iginiit na ang Zero Balance Billing ay para lamang sa mga pasyente na walang nilabag na batas.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo