Kampeyon ng Pandemya: Farmer Dad Alejandro Garcia, Jr.

0
684

Sa kabila ng mga hamon, maraming makukulay at magagandang kwentong naganap sa panahon ng pandemic. Kabilang dito ang kwento ng buhay farmer ni Alejandro Garcia Jr., isang amang 33 years old, tubong Sta Cruz Putol, San Pablo City. 

Si Alejandro ay dating OFW sa Taiwan. Umuwi siya noong 2020 at hindi nakabalik dahil inabutan ng lockdown at pagsasara ng mga borders noong kasagsagan ng pandemic.

Bilang haligi ng tahanan na may isang supling, lubos siyang nag alala dahil sa hindi akalaing pagkawala ng trabaho. Alam niya na kailangan niyang magkaroon ng hanapbuhay sa Pilipinas sa gitna ng mga sunod sunod na lockdown. Kailangan niyang kumita upang matustusan ang pang araw araw na gastusin partikular ang gatas at diaper ng kanilang anak.

Sa panahon ng nakakainip na lockdown ay na nakahiligan niyang manood sa youtube tungkol sa hydroponics. Patuloy siyang nag aral sa youtube tungkol sa pag aalaga ng hydroponic lettuce kahit siya ay nakahanap na ng trabaho sa Pinas. 

Noong Pebrero 2022, nagpasya silang mag asawa na umutang ng P20,000 upang gamiting puhunan sa hydroponics. Ang second floor na kanyang bahay na hindi natapos ay ginawa niyang hydroponic garden.

Ang 20,000 na inutang sa paluwagan ay pinagkasya nila ng kanyang maybahay na si Concepcion sa seeds, grape boxes, bakal at labor sa pagpapagawa ng greenhouse na nagsilbing rooftop ng kanilang bahay. Ito ay may sukat na 20ft ang haba at 15 ft ang luwang. Maliit lamang ngunit productive.

Nag aral siyang mabuti tungkol sa hydroponic technology. Mahalaga ang actual na karanasan, ayon sa kanya. Matiyagang pinag aralan ni Alejandro ang mga problema sa naka engkwentro niya sa pagtatanim at inihanap niya ng solusyon ang mga ito sa pamamagitan ng research. 

Sipag, tiyaga, determinasyon at lakas ng loob ang ilan sa mahahalagang puhunan ni Alejandro sa kanyang hydroponic garden na ngayon ay masasabing estable na.

Nagsimula sila sa pagbebenta sa mga kilala at kaibigan. Gumawa din siya ng Facebook page para dito na nakakatulong naman para makakuha ng mga bagong kostumer.

Inilalako din niya ang mga aning lettuce gamit ang bisikleta. Madalas siyang magtinda sa Samplok Lake. Nagde-deliver siya hanggang sa Calamba, Laguna.  Maaga siyang nagsisimulang pumadyak upang hindi ma-dehydrate ang mga letsugas. 

Ang hydroponic lettuce ay inaani pagkatapos ng 40 hanggang 45 days. Ipinagbibili niya ito sa halagang P25.00 kada ulo at P50.00 kung dalawa ang bibilhin.

Sa ngayon ay apat na variety ng lettuce ang kanyang itinatanim – Locarno  Mondai, Lalique, Kristine at Tourbillon.  Kristine ang pinaka mabilis lumaki, ayon sa karanasan ni Alejandro. 

Bagamat hindi pa niya nababawi ang kanyang puhunan, naniniwala siya na darating ang panahon na uunlad din ang kanyang garden. Sabi nga niya, sa buhay kailangan ang patience, sipag at diskarte lalo na kung may pamilya na kailangang buhayin.

Sa kasalukuyan, si Alejandro ay naka focus na lamang sa pag aalaga ng kanyang baby at ng kanyang hydroponic lettuce farm.

Humanga ako sa kanya at para sa akin ay isa siyang ulirang ama at asawa. Naghiwalay kami sa kwentuhan na baon ko ang huli niyang winika na: Hindi dapat sumuko sa paghahanap ng paraan kung paano kumita para sa pamilya. At hindi tayo dapat mawalan ng pag asa at solusyon sa mga problemang dumadaan sa ating buhay.”  

Isang tunay na inspirasyon ang kwentong pandemya ni Alejandro. Nawa, ang kanyang determinasyon ay tularan ng iba pang ama na naapektuhan ng pandemya ang paghahanapbuhay. 

Tangkilikin po natin ang produkto ni Alejandro at ng iba pang Dad farmer na kagaya niya. Ang pagtutulungan sa panahong ito ay mahalaga upang muli tayong makabangon sa hagupit at bangis ng krisis sa kalusugan.

Author profile
Joel Frago

Si Joel Frago ay isang rehistradong Nurse at Midwife. Siya ay isa ring Pastor.  Naging magsasaka siya mula noong 2004 at nagkamit ng mga pagkilala at prangal sa larangan ng farming.  Pinarangalan siya bilang isa sa Ten Outstanding Pableño noong 2018.  Siya ang nataguriang Kusinero de Bukid ng Forest Wood Garden, isang agritourism destination na dinrayo ng mga turista mula sa loob at labas ng bansa.