Kandidato sa BSKE, nang holdup at kidnap para sa pondo sa eleksyon

0
158

BIÑAN CITY, Laguna. Arestado ng mga pulis ang isang kandidato para sa darating na barangay elections dito matapos itong ma-implicate sa kasong kidnapping at pagho-holdup ng isang negosyante. Ayon sa pulisya, ang suspek at kanyang mga kasama ay nagpanggap pang pulis sa mga biktima.

Sa imbestigasyon ng Biñan City police, lumalabas na layunin ng nahuling kandidato na mangalap ng pondo para sa eleksyon kaya’t nagsagawa ng nasabing krimen.

Noong Lunes, pumasok ang mga suspek sa isang hotel sa Barangay San Antonio at kinidnap ang kanilang mga biktima. “Ayon sa revelation nung suspek, ang kanilang mga instruction — yung mga babae iiwan na hindi naka-lock yung pinto at papasok ngayon itong nagpakilalang pulis para magpakilalang Drug Enforcement Unit at tatakutin yung mga biktima,” aayon sa ulat ni Col. Virgilio Jopia, hepe ng Biñan City Police Station.

Batay sa paunang ulat ng pulisya, pumasok ang mga suspek sa kuwarto nina Moises Legacion at Kenneth Oliver sa kanilang kwarto at pilit na hinatak ang mga ito palabas ng hotel. Ipinasok ng mga suspek ang dalawang biktima sa kanilang sasakyan at doon nagsimula ang holdap habang binubugbog.

Ayon pa rin sa ulat, may dalang ilegal na droga ang mga suspek upang takutin ang kanilang mga biktima. Sa insidente, ninakaw nila ang halagang aabot sa P1.8 milyon, mga alahas, at mga gadget mula sa mga biktima.

Pagkatapos ng krimen, tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo at kotse. Agad namang nai-report ng hotel staff ang insidente sa Biñan PNP, at nagulat sila dahil wala namang opisyal na police operation nung mga oras na iyon.

Kinilala ang suspek na sina Arvin Ryan Alora at Art Berroya matapos silang positibong makilala ng mga biktima. Ayon sa Biñan PNP, isa si Alora sa mga tumatakbo sa barangay elections at siya ring lumalabas na lider ng grupo.

“Tingin natin at ayon dun sa kanilang chat, siguro ito para makatulong sa pagtakbo nitong tumatakbong kagawad na ito dahil kailangan niya ng pera, ayon sa usapan at tinitira lang nila ang mga malalaking tao,” ayon kay Jopia.

Dagdag pa ng PNP, dating nadakip si Alora kaugnay ng ilegal na droga at may kinahaharap pa itong kaso dahil sa pananaksak ng isang pulis noong 2018. Inamin ni Alora na kasama siya sa grupo ngunit tinanggihan niyang siya ang lider nito, at inamin din niyang ang motibo ng kanilang krimen ay para sa pondo ng eleksyon.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag si Berroya. Ngayon ay nahaharap ang mga suspek sa mga kaso ng usurpation of authority, robbery, abduction, paglabag sa Election Gun Ban, illegal possession of firearms, at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. Kinakailangan pa ng mga awtoridad na matunton ang iba pang kasabwat ng mga suspek.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.