VICTORIA, Laguna. Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang dating Sangguniang Kabataan chairman at kagawad ng barangay matapos itong pagsasaksakin sa loob ng kanyang bahay sa Brgy. San Felix, sa bayang ito.
Kinilala ang biktima na si Marvin L. Laluz, 29 taong gulang, isang binata na naglingkod sa barangay sa loob ng siyam na taon bilang SK Chairman at Barangay Councilor.
Kamakailan lang, inihain ni Laluz ang kanyang kandidatura para sa posisyon ng kagawad sa darating na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon sa ulat ng pulisya, natagpuan si Laluz na may tama ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan madaling-araw kahapon sa kanyang bahay matapos ang isang inuman sa Sitio Bikulan.
Ayon sa mga saksi, nakita nila ang biktima kasama ang isang lalaki na hindi nila kilala, na naglalakad patungo sa bahay ni Laluz bandang alas-dose ng gabi.
Pagkalipas ng humigit-kumulang na kalahating oras, nakita ng mga saksi ang suspek na mag-isang lumalabas mula sa bahay ng biktima. Diumano ay nag-almusal pa ito sa isang kanto sa bayan.
Ang bayaw ng biktima ang unang nakakita sa kanya na nakahandusay sa pintuan ng bahay na tadtad ng saksak.
Agad na dinala si Laluz sa pinakamalapit na ospital, subalit idineklarang dead on arrival ng mga doktor.
Sa kasalukuyan, ang mga awtoridad ay patuloy na nag iimbestiga hinggil sa insidente upang matukoy ang motibo at ang pagkakakilanlan ng salarin.
Ang naturang krimen ay nagdulot ng malalim na pangamba sa komunidad, lalo na at si Laluz ay isang miyembro ng LGBTQ at aktibong nag-aambag ng kakayahan sa barangay.
Nanawagan naman ang mga lokal na lider sa mga nakasaksisa krimen o sa sinumang may kaalaman hinggil sa insidente na makipag tulungan sa awtoridad upang matunton ang suspek at mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Laluz.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.