Kanlaon Volcano, pumutok! PHIVOLCS kumpirmadong may explosive eruption sa Negros

0
47

NEGROS ISLAND. Isang explosive eruption ang naitala sa Bulkang Kanlaon nitong Martes ng umaga, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Sa isang Facebook post ng ahensya, sinabi nito: “ATM: Explosive eruption at Kanlaon Volcano ongoing. Details to be released.”

Kinumpirma ni Mariton Bornas, hepe ng PHIVOLCS Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division, na nagsimula ang pagsabog bandang alas-5:51 ng umaga.

Makapal na usok at abo ang nakita mula sa bunganga ng bulkan, na ayon kay Bornas ay tinangay ng hangin papuntang timog-kanluran.

Nakunan din ng ulat ang pagdaloy ng pyroclastic density currents (PDC) pababa sa katimugang bahagi ng bulkan, mga super-init na gas at abo na maaaring magdulot ng panganib sa mga nasa paligid.

“Humihina na ngayon ang pagputok pero ongoing. Medyo mabagal ‘yung pag-akyat ng plume ngayon,” ani Bornas.
“Patuloy ang mabagal na pagbuga ng abo… Binabantayan po natin,” dagdag pa niya.

Bandang 7:02 a.m., naglabas ng update ang PHIVOLCS sa X (dating Twitter) na nagtapos na ang explosive eruption.

“This is a notice for the end of the explosive eruption that began at 5:51 AM today, 8 April 2025,” ayon sa kanilang post.

Bagama’t nagtapos na ang pagputok, nananatili pa rin sa Alert Level 3 ang Kanlaon Volcano batay sa pinakahuling PHIVOLCS bulletin na sumasaklaw mula alas-12 a.m. ng Lunes hanggang alas-12 a.m. ng Martes.

Muling paalala ng PHIVOLCS sa publiko na kailangang lumikas sa loob ng anim na kilometrong radius danger zone, habang mariin namang sinabi ni Bornas na: “Walang dapat na tao sa loob ng four-kilometer radius permanent danger zone.”

Noong Lunes, naitala ang 14 volcanic earthquakes, at pagbuga ng usok na umabot sa 300 metro ang taas, gayundin ang 1,655 toneladang sulfur dioxide emission mula sa bulkan.

Matatandaang matapos ang halos pitong taon ng pananahimik, muling sumabog ang Bulkang Kanlaon noong Hunyo 3, 2024 at Disyembre 9, 2024.

Patuloy na pinag-iingat ng mga awtoridad ang mga residente ng Negros Oriental at Negros Occidental habang bantay-sarado ang kilos ng bulkan.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.