Kapag nabulabog ang mga kawatan

0
294

Sa tuwing tinatahak ng pamahalaan ang tamang daan ng pagbabago, ang unang tinatamaan at nabubulabog ay ang mga corrupt na bandido na nasa loob at labas ng gobyerno.

Bakit ang hindi ay milyon milyong piso ang kabuuang halaga ng mawawala sa kanila at hindi na lalapat sa kanilang nangangatal at hindi nabubusog na mga palad.

Sa totoo lang, halos lahat ay nais maging malinis at tapat sa panunungkulan. Sa harap ng Panginoong Diyos at Sambayanang Pilipino, lahat sila ay nanalangin at nangakong hindi magsasamantala sa mandatong tangan. Dangan nga lang at laging nangingibabaw ang paniniwala at pananaw ng dinatnan ng umiiral na korapsyon.

Kung tutuusin, kakaunti lamang naman ang mga nagsasamantala’t nagnanakaw sa kaban ng bayan. Napakadali nitong sugpuin basta’t ang namumuno at nagpapatupad ay hindi kakainin ng mabahong umiiral na sistema.

Pakaasahan lang ang pag aalsa ng mga maaapektuhang buwaya’t buwitreng dinatnan na lubhang mawawalan ng limpak limpak na raket.

Bilang resulta, maaaring mamuhunan ang mga tiwaling kasabwat upang wasakin ang kredibilidad ng sino mang  pinuno ng pampublikong tanggapan na maglilinis at tatahak sa daang matuwid.

Paiinitin nila ang damdamin ng mga tapat at napapagod na mga opisyales at kawani upang mailihis sa masamang layunin. Tutumbukin ng paninira ang mangunguna sa pagbabago – pupulbusin at sisirain ang kredibilidad!

Panawagan sa mga taga pamahalaan na nawa ay maging mapagmatyag sila sa gitna ng isinasagawang paglilinis at pagsasaayos ng sistema. Huwag magpapatangay sa masasamang layunin ng iilan. Suriin ang tunay na motibo. 

Ang pagsisikap ba ay para sa kapakinabangan ng bayang pinaglilingkuran o pagpapatuloy lamang ng katamaran, panlilinlang at pangungulimbat?

Author profile
sandy-belarmino
Sandy Belarmino

Si Sandy Belarmino ay 17 taon ng naglilingkod sa larangan ng pamamahayag. Naging broadcaster siya sa radyo at local TV.  Media correspondent din sya at columnist sa iba’t ibang dyaryo ng lokal sa San Pablo City. Si Sandy ay kasalukuyang pangulo ng Seven Lakes Press Corps.