Kapatid ni Alice Guo at isa pang kasama, huli sa Indonesia at ibinalik sa Pilipinas

0
120

MAYNILA. Naibalik na sa bansa ang kapatid ng nasibak na Bamban, Tarlac Mayor na si Alice Guo, na si Sheila Leal Guo, kasama ang kasamang si Cassandra Li Ong, matapos silang mahuli sa Indonesia. Ang dalawa ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 bandang 5:00 ng hapon kahapon.

Ayon sa ulat, sina Guo at Ong, mga kinatawan ng Lucky South 99, isang POGO na sinalakay sa Porac, Pampanga, ay nagtangkang lumabas ng Indonesia ngunit naharang ng Indonesian authorities.

Si Sheila Leal Guo ay may warrant of arrest mula sa Senado matapos siyang ma-contempt dahil sa ilang beses na hindi pagdalo sa hearing ng komite ni Sen. Risa Hontiveros kaugnay sa mga isyu sa POGO. Si Ong naman ay pinaghahanap ng Kamara.

Sa isang post ni Sen. Raffy Tulfo sa Meta, kinumpirma niya na nahuli sina Guo at Ong sa Mega Mall Batam Centre, isang mall sa Riau, Indonesia noong Agosto 20. “Dahil sa intelligence data sharing, ang Philippine Bureau of Immigration ay sumulat sa Indonesian Immigration at nag-request na manmanan ang tatlo at kung mahuli ay agad na maimpormahan sila at i-turnover sa kanila,” ani Tulfo.

Hindi kasama si Alice Guo sa mga nahuli at pinaniniwalaang nakapuslit ito. Pumasok ng Jakarta sina Alice Leal Guo, Sheila Leal Guo, at Cassandra Li Ong mula Singapore sa pamamagitan ng isang cruise ship.

Noong Agosto 21, isang grupo mula sa Philippine Bureau of Immigration ang lumipad patungong Jakarta, Indonesia upang asikasuhin ang pag-turnover sa mga nahuli. Sa halip na idiretso sa Senado kung saan may warrant of arrest si Guo, idiniretso ito sa Bureau of Immigration.

Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, hindi mapipigilan ng lookout order ng Bureau of Immigration ang pag-alis ni Guo ng bansa dahil tanging ang hold departure order lamang ang maaaring humarang dito. “Ang immigration lookout bulletin [order] is just a lookout order na ini-issue, parang alert list lang ito na certain individual ay aalis ng bansa at aalamin kung ano ang purpose ng pag-travel niya, saan siya pupunta, gaano katagal at titingnan kung siya ba ay may intensyon na lumabas,” ani Fajardo.

Samantala, iginiit ni Interior Secretary Benhur Abalos na patuloy ang mga hakbang upang mahanap si Pastor Apollo Quiboloy, na pinaniniwalaang nasa Pilipinas pa, at tiyakin na hindi ito makakatakas ng bansa tulad ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo. Tiniyak ni Abalos na seryoso ang mga kapulisan sa pagtugis sa mga may warrant of arrest, hindi lang kay Quiboloy at Guo, kundi sa lahat ng mga indibidwal na may kinakaharap na kaso.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo