Kapitan ng barangay itinumba ng riding-in-tandem sa Cavite

0
104

MARAGONDON, CAvite. Patay ang isang barangay chairman matapos pagbabarilin ng dalawang suspek na sakay ng motorsiklo sa Barangay Tulay-A, Maragondon, Cavite, habang nagtatabas ng damo nitong Sabado ng umaga.

Ang biktima, na kinilalang si Rodrigo Tanagas, 53-anyos, ay kasalukuyang kapitan ng Barangay Tulay-A at residente ng nasabing lugar. Ayon sa ulat, tumutulong si Kapitan Tanagas sa kanyang mga barangay health workers sa pagtatabas ng damo sa kanilang lugar nang mangyari ang insidente.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, bandang 7:15 ng umaga nang dumating ang mga suspek na sakay ng isang Honda Click na motorsiklo. Agad nilang tinapatan si Kapitan Tanagas at pinagbabaril ng sunod-sunod saka mabilis na tumakas.

Isinugod pa ang biktima sa pagamutan ngunit idineklara itong dead-on-arrival.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at upang alamin ang motibo sa likod ng krimen.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.