Karambola ng bus, kotse, tricycle sa Calauan: 3 patay, 4 sugatan

0
461

Calauan, Laguna. Tatlo ang patay at apat ang sugatan matapos salpukin ng isang pampasaherong bus ang isang tricycle at isang kotse sa  Brgy. Hanggan, Calauan Laguna kahapon  ng tanghali.

Kinilala ng mga imbestigador ng Calauan Municipal Station (MPS) ang mga nasawi na sina Marchie Muyco, 19 anyos, driver ng tricycle; Jerico Amante, 20 at isang kilala lamang sa pangalang Rosemelyn, mga residente ng Cabuyao, Laguna na pawang idineklarang dead on the spot.

Batay sa imbestigasyon ng Calauan MPS, magkakasunod na bumabaybay  ang tricycle at ang kotseng Suzuki Swift na minamaneho ni April D. Ignacio ng mag-overtake ang huli sa una.

Subalit aksidenteng nabundol ng JAC Liner bus ang huling bahagi ng  kotse hanggang sa mawalan ito ng kontrol at inararo ang kasunod na tricycle.

Tumilapon sa kalsada ang pitong sakay ng tricycle na agad ikinasawi ng tatlo.

Tumakas ang hindi pa nakikilalang driver ng bus ngunit naharang ito ng mga awtoridad sa Bayan ng Bay, Laguna.

Sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide and damage to property ang driver ng bus.

Author profile
Kevin-Pamatmat
Kevin Pamatmat

Si Kevin Pamatmat ay miyembro ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng pamamahayag bilang  photojournalist at news correspondent noong 2004. Broadcaster din siya sa DZJV 1458 Radyo Calabarzon at Balita Ngayon Online News.