Kasabay ng Women’s Month, arestado ang 83 suspects na may kasong rape sa Calabarzon

0
262

CALAMBA CITY, Laguna. Sa patuloy na pagsusumikap ng Philippine National Police (PNP) na tiyakin ang kaligtasan ng mga kababaihan, inilabas ng Region 4A Intelligence Division ang kanilang mga tagumpay sa nakaraang buwan. Ayon sa datos, matagumpay na naresolba ng kanilang tanggapan ang 83 kaso ng rape at 44 na kaso ng act of lasciviousness sa pamamagitan ng masigasig na pag-aresto sa mga sangkot sa mga krimeng ito.

Sa isang panayam kay Police Col. Vic Cabatingan, direktor ng intelligence ng Calabarzon police, ibinahagi niya na sa bisa ng mga warrant of arrest mula sa korte ay naisagawa nila ang pagtugis sa mga suspek sa tulong ng kanilang mga informant sa barangay upang mapabilis ang pag-aresto.

Binanggit din ni Cabatingan na hindi madaling gawain ang kanilang ginagawang pag-aresto lalo na’t may mga insidente na ang pamilya o asawa ng mga suspek ay hindi interesadong mag-file ng kaso.

Bukod sa mga naresolbang kaso ng rape, sinabi ni Cabatingan na 44 na kaso ng act of lasciviousness ang kanilang nairekord at nai-file sa korte. Karamihan sa mga suspek sa ganitong mga kaso ay mga kamag-anak o kaibigan ng mga biktima, na karamihan ay menor de edad.

Isa sa mga kasalukuyang kinakaharap na kaso ay ang pagproseso ng papel sa piskalya ng isang ama ng isang 15-taong gulang na babaeng biktima ng pang-aabuso. Ayon sa ulat, hinalay ng ama ang biktima ng apat na beses hanggang sa ito ay magbuntis at pinilit pang ipinalalaglag ang sanggol.

Nagbigay rin ng pahayag si Police BGeneral Paul Kenneth Lucas, direktor ng Calabarzon police, na patuloy ang kanilang operasyon laban sa mga krimeng may kinalaman sa pang-aabuso sa kababaihan. Dagdag pa niya na patuloy din ang kanilang 24/7 na pagmomonitor sa mga kaso ng karahasan laban sa mga babae at mga bata.

Sa kabuuan, siniguro ni General Lucas na hindi nila ipagwawalang-bahala ang kaligtasan at karapatan ng kababaihan at kabataan sa rehiyon. Anuman ang oras, ayon sa kanya ay handa silang ipagtanggol ang mga ito laban sa anumang uri ng pang-aabuso.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.