Kasambahay at janitor, posibleng isama sa 4Ps

0
464

MAYNILA. Isinasaalang-alang ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang posibilidad na maisama ang mga kasambahay at janitor bilang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Ayon kay DSWD spokesperson Irene Dumlao, bahagi ito ng enhancement na pinag-aaralan ng ahensya para sa 17 taong implementasyon ng programa. Paliwanag niya, kwalipikado ang mga manggagawang ito kung ang kanilang kita ay hindi lalampas sa P8,000 kada buwan at mayroon silang mga anak na may edad zero hanggang 18 taong gulang na kasalukuyang nag-aaral.

Binigyang-diin ni Dumlao na bukas ang DSWD sa mga mungkahi para sa ikabubuti ng programa, kabilang ang suhestiyon ni dating DSWD secretary at ngayo’y Senador Erwin Tulfo na gawing one-time big-time livelihood grant ang tulong sa halip na ang kasalukuyang conditional cash grants.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang konsultasyon sa pagitan ng Senado at Kongreso kaugnay sa posibleng mga pagbabago sa ilalim ng 4Ps Law.

Samantala, ayon kay Gemma Gabuya, National Program Director ng 4Ps, nasa 3 milyon na ang aktibong benepisyaryo ng programa hanggang Hulyo 2025. Umabot naman sa 1.4 milyon ang naka-graduate o na-exit na matapos matukoy ng mga social worker na sapat na ang kanilang kakayahan upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.