Katiwala ng cockpit arena sa Batangas, itinumba sa loob ng sabungan

0
530

Mabini, Batangas. Patay ang isang lalaki sa bayang ito matapos barilin sa ulo ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa loob ng Mabini Cockpit Arena na kanyang pinamamahalaan.

Ayon sa paunang imbestigasyon na ibinunyag ni Police Major Mickglo Marinas, chief of police ng Mabini police station, nilapitan ng gunman ang biktima matapos ang sabong at malapitang binaril sa ulo.

Nakita pa raw ang suspek na umiinom sa loob ng sabungan bago mangyari ang krimen. Mabilis silang tumakas sakay ng isang motorsiklo.

Sa isang kuha ng CCTV camera, nakita ang mga suspek na tumigil sa isang lugar at nagpalit ng damit bago naghiwalay na umalis.

Ilang oras matapos ang krimen, nakita ang motorsiklo na ginamit nila na iniwan sa isang lugar.

Lumilitaw sa imbestigasyon na nirentahan ng mga suspek ang motorsiklo. Tukoy na ang kanilang pagkakakilanlan at tinutugis na sila ng mga awtoridad.

Personal na away ang nakikitang motibo ng mga pulis sa naganap na krimen.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.