Kilabot na convenience store robbers, arestado sa Laguna

0
260

General Mariano Alvarez, Cavite. Nadakip ng mga awtoridad sa loob ng isang motel sa Sta. Rosa City, Laguna  ang isang magnobyo at isa pang kasama matapos nilang holdapin ang isang convenience store sa Brgy. San Gabriel, dito noong Biyernes ng gabi.

Napag alaman na sina Jaime Christ Camerino, 20 anyos na residente ng Barangay Anabu 2D, Imus, Cavite at Maricel M. Bautista, 33 anyos na tubong Virac, Catanduanes, ang mga suspek ayon kay Police Lt.Col. Dwight Fonte, hepe ng Sta. Rosa City PoliceStation.

Sa follow-up operation ng mga pulis, naaresto rin ang kasama nina Camerino sa panghoholdap na si Glenn Urbano, 25 anyos na residente ng Perpetual Village 8, Shapell Homes Apartment, Brgy. Habay 1, Bacoor City, Cavite.

Batay sa imbestigasyon ng mga pulis, 11:00, Biyernes ng gabi nang pasukin ng mga suspek ang Alfamart store sa San Gabriel, GMA. Unang pumasok si Bautista na nagpanggap na customer, at sumunod sina Camerino at Urbano na agad nagdeklara ng holdap.

Kinuha ng tatlo ang pera sa kaha at iba pang mga paninda sa nasabing convenience store pati na rin ang cellphone ng dalawang staff bago tumakas sakay ng isang motorsiklo.

Agad nagtungo sa malapit na himpilan ng pulis ang dalawang tauhan ng tindahan, at sa nakuhang CCTV footages, natunton ang magka-live in sa Sta. Rosa Laguna.

Sa koordinasyon ng Cavite police sa tanggapan ni Col. Fonte, narekober kina Camerino at Urbano ang isang caliber 9mm pistol, cellphones, canned goods, at cash na nagkakahalagang P54,680.00, at iba pang grocery items.

Sa pag-iimbestiga ng mga pulis, lumabas na ang tatlong suspek ay may kinalaman din sa mga naganap na holdap sa mga sangay ng Alfamart sa Silang, Molino, at Bacoor City nitong nakaraang Hulyo 11 kung saan kinulimbat nila sa kaha ang halagang P92,000.

Nakakulong na ngayon sa GMA police municipal station ang mga suspek.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.