Kilabot na gun for hire, arestado sa Laguna

0
853

Calamba City, Laguna.  Arestado ang isang miyembro ng gun-for-hire group na sangkot sa isang insidente ng pamamaril sa lungsod na ito sa ilalim ng police operation na ikinasa ng pinagsanib na pwersa ng CIDG Laguna Field Unit at local PNP units sa Kanluran, Sitio Majada In-Housing, Barangay Canlubang dito.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Hilario Mabaga, Sr, a.k.a. “Larry/Bente Uno.” Nakuha sa kanya ang isang .45 pistol, isang steel magazine, pitong basyo ng bala, at isang holster.

Inaresto siya sa bisa ng search warrant na inisyu ni Hon. Glenda R. Mendoza-Ramos, Presiding Judge ng RTC Branch 36, Calamba City, Laguna.

Si Mabaga ay kilalang miyembro ng “Ireneo Fajardo Group” na nakikibahagi sa gun-for-hire, kidnap-for-ransom, robbery/hold-up, illegal gambling at illegal drug activities na nago-operate sa 1st at 2nd District ng Laguna.

Ayon pa rin sa report ng pulisya, si Mabaga ang tinaguriang Most Wanted Person ng Region 4A na may nakapatong na P100,000.00 sa kanyang ulo. Nahuli siya noong 2004 sa Brgy. Bawi, Padre Garcia, Batangas dahil sa pagkakasangkot nito sa pagkidnap at pagpatay sa negosyanteng si Simeon Gadiola. Sa panahong iyon, kinasuhan din siya ng paglabag sa RA 9165 matapos mahuling nagtayo ng maliit na laboratoryo ng shabu at kalaunan ay pinalaya noong 2019.

Bumalik si Mabaga sa kanyang mga iligal na gawain at naging pangunahing suspek sa insidente ng pamamaril na nangyari noong Abril 5, 2020 sa Sitio MCDC, Purok 17, Barangay Canlubang, Calamba City kung saan ay naging biktima ng isang 26-anyos na si Beverly Barriento na binaril sa ulo.

Nangako ang CIDG na itataguyod nila ang batas at ipatupad ito laban sa mga nagkasala at gumagamit ng kriminal na gawain upang makapagkalat ng takot at panganib sa mga komunidad.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.