CALAMBA CITY, Laguna. Matapos ang halos tatlong dekadang pagtatago sa batas, muling naaresto ng mga awtoridad ang tinaguriang “DILG’s Most Wanted Person” na dalawang beses na nakatakas sa bilangguan.
Nahuli si Joel Consuelo Villanueva, 69 anyos sa kanyang hide-out sa Villa Cuana Subdivision, Cainta, Rizal noong Sabado ng madaling araw.
Ayon kay Lt. General Rhoderick Armamento, Southern Luzon police Commander, dinakip ang pugante si Villanueva sa bisa ng warrants of arrest na inisyu ng tanggapan ni Judge Salvador Competente Villarosa Jr. ng RTC branch 56 ng Lucena City.
Sa rekord ng pulisya, si Villanueva ang bumaril at nakapatay kay Air Force Captain Roger Nolasco at noo’y ROTC cadet na si Arnold Santos sa loob ng isang disco house sa Lucena City noong Nobyembre 16, 1991 dahil sa isang pagtatalo.
Nadakip at nakulong si Villanueva noong 1992 subalit nakatakas sa kaniyang selda noong Hulyo ng 1995, limang araw matapos siyang mahatulan sa kanyang kaso. Nahuli siya noong Mayo 24, 1996 ng Intelligence unit ng PNP subalit nagtamo siya ng sugat sa ulo makaraan siyang makipagbarilan sa mga umaarestong pulis.
Dahil dito, isa pang criminal complaint ang inihain laban kay Villanueva sa salang illegal possession of firearms at direct assault. Subalit, habang nasa kustodiya ng BJMP at ginagamot sa National Orthopedic Hospital, muli itong nakatakas ng magpaalam itong gagamit ng comfort room.
Mula noon ay nagpalipat lipat na ng hide-out si Villanueva hanggang isang tip ang natanggap ng Southern Luzon command hinggil sa pinagtataguan nitong bahay.
Si Villanueva ay nasa kustodiya na ng Lucena police at mahigpit na binabantayan 24/7 bago ilipat sa New Bilibid Prison.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.