Kinasuhan na ng NBI ang mga may-ari ng tanker nagdulot ng oilspill sa Mindoro

0
238

Sinampahan na ng mga kaso ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) ang mga may-ari ng oil tanker na MT Princess Empress na nagdulot ng malawakang oil spill sa Oriental Mindoro matapos itong lumubog noong Pebrero.

Mga kasong falsification of public documents at perjury ang isinampa ng NBI-Environmental Crime Division laban sa 35 na respondents, kabilang ang mga opisyal ng RDC Reield Marine Services, ang kumpanyang may-ari ng tanker, at ilang opisyal at tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA).

Ayon kay Justice Assistant Secretary Mico Clavano, kasama sa mga nagreklamo sa kaso si Pola Mayor Jennifer Cruz.

Naisampa ang mga kaso tatlong buwan matapos ang paglubog ng tanker noong Pebrero 28. Ipinaliwanag ni Clavano na pinili nilang unahin ang mga pagsisikap na linisin ang apektadong lugar bago magsampa ng mga kaso.

Kasalukuyang inaayos din ng NBI ang mga kaso kaugnay ng environmental crimes at graft and corruption laban sa iba’t ibang mga respondents na posibleng isampa sa mga susunod na linggo.

Kinasuhan ng falsification ang pitong incorporators at direktor ng RDC Reield Marine Services, anim na tripulante ng MT Princess Empress, at 19 tauhan ng PCG na may iba’t ibang ranggo.

Sa reklamong ito, sinasabing peke ang Certificate of Public Convenience ng tanker. Ang naturang dokumento ay inisyu ng MARINA.

Isa pang kaso ng falsification ang isinampa laban sa dalawang opisyal ng MARINA at dalawang opisyal ng nasabing kumpanya dahil sa alegasyong nagkasabwatan sila upang ilegal na irehistro ang MT Princess Empress gamit ang mga pekeng dokumento tulad ng construction certification, tonnage measurement certificate, certificate of ownership, at certificate of Philippine registry.

Nagsampa rin ng kasong perjury laban sa dalawang opisyal ng RDC dahil sa paggamit ng mga supporting documents na ginamit para makuha ang tonnage measurement certificate.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.