Kinasuhan na ng NBI si Teves ng mga kasong murder

0
209

Isinampa na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga kaso laban kay Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. hinggil sa pagpatay kay Gov. Roel Degamo noong Marso.

Isinampa ni NBI Director Medardo de Lemos ang mga kasong murder, multiple frustrated murder, at multiple attempted murder laban kay Teves, kasabay ng paghahain malalaking kahon ng mga ebidensya na isinumite sa piskalya.

Nilinaw ni Justice Secretary Crispin Remulla na nakatanggap  sila ng impormasyon na bumili si Teves ng tiket para sa isang flight patungong Pilipinas ngayong Miyerkules. Itinanggi naman ng kampo ni Teves na may plano siyang bumalik sa bansa, at nanindigan silang may banta sa kanyang buhay.

“Ang alam kasi namin ticketed na siya, basta we have sources to tell us his movements. We will not release it if we do not have any reasonable grounds to believe that something was going to happen, something may happen and that’s part of it. We have our sources to tell us what the facts are,” pahayag ni Remulla.

Hinimok din ni Remulla si Teves na bumalik sa bansa at harapin ang mga akusasyon. “Well, flight is an indication of guilt, by any language, by any jurisdiction, by any legal system,” dagdag pa ng DOJ chief.

Ayon kay Remulla, kinakailangan ang personal na pagdalo ni Teves upang matalakay ng pormal ang mga paratang na siya ang utak ng pag-atake na nagresulta sa pagkamatay ng kalaban ng kanyang pamilya sa pulitika at ng siyam pang ibang tao.

“Hindi pwedeng i-file ‘yan sa absentia. Kailangan niya [Teves] mismo ang lumitaw at lagdaan ang nilalaman ng kanyang kontra-salaysay,” ayon kay Remulla, at idinagdag na hindi ito magagawa ni Teves online o sa harap ng isang embahada ng Pilipinas sa ibang bansa.

“He cannot do that. He has to come home or they can file the case in court and the warrant will be issued in absentia,” ayon pa rin sa paliwanag ni Remulla.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.