Kinumpiska ng China at itinapon ang food supplies ng mga sundalong Pinoy

0
135

MAYNILA. Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Martes na kinumpiska at itinapon sa dagat ng mga Chinese personnel ang pagkain para sa mga sundalo sa BRP Sierra Madre na nakaistasyon sa Ayungin Shoal.

“Nakipag-agawan pa sila (China) dun sa ini-airdrop na packages, siguro nag­hahanap sila ng construction materials. Some of the supplies were recovered, but most sunk,” ani AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na naglahad ng panghihinayang sa mga natapong food supplies.

Ayon kay Brawner, sa apat na supply packages, isa ang nakumpiska, binulatlat, at itinapon sa dagat ng China Coast Guard (CCG). Ipinakita rin ng AFP sa media ang video ng ginawang pagkumpiska ng China at pagtatapon sa dagat ng mga food supplies at iba pang items para sa mga sundalo sa BRP Sierra Madre.

Bukod sa mga pagkain, naglalaman din ng mga gamot ang ini-airdrop na supplies para sa mga sundalo, lalo na’t may mga pagkakataong nagkakasakit ang mga ito.

Binigyang-diin ni Brawner na walang karapatan ang China na kumpiskahin ang nasabing supply lalo na at ang lugar ay nasasaklaw ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Sa kabila nito, ayon kay Brawner, naging matagumpay naman ang airdrop ng resupply para sa mga sundalo ng AFP sa Ayungin Shoal.

Ang BRP Sierra Madre ng Philippine Navy, na nakabalahura sa Ayungin Shoal simula pa noong 1999, ang nagsisilbing kanlungan at outpost ng mga sundalong Pinoy na nagtatanod sa West Philippine Sea.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo