Kinuwestiyon ni Lacson ang kaduda-dudang pondo para sa farm-to-market roads sa 2026 budget

0
340

MAYNILA – Hindi pipirma si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson sa ratipikasyon ng bicameral conference committee report sa panukalang pambansang badyet para sa 2026 hangga’t hindi naitatama ang mga probisyong nagpapalaki ng pondo para sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients at naglalaan ng bilyun-bilyong piso para sa umano’y kaduda-dudang farm-to-market roads.

Ito ang pahayag ni Lacson nitong Linggo matapos aprobahan ng bicameral panel ang P51 bilyong pondo para sa MAIFIP at ang P33 bilyon para sa farm-to-market roads.

“Sorry, unless rectified in its final version, I cannot sign to ratify a bicam report with P51 billion for MAIFIP, with nothing but guarantee letters from politicians and is not compliant with the Universal Health Care Act. Further, I will not associate myself with the P33-billion spending for unplanned and unvetted farm-to-market roads,” ani Lacson.

Binigyang-diin ng senador na hindi ganap na maipatutupad ang Universal Health Care law kung hindi sapat ang pondo para sa mga programang sasaklaw sa lahat ng barangay at titiyak sa zero billing.

“Unless we adequately fund the UHC programs such that they cover all barangays and ensure zero billing, etc., we cannot fully implement the UHC law that we passed. All health-related funds must be subsumed under the Universal Health Care program of the Department of Health. Guarantee letters from politicians will only guarantee patronage politics but not the health care needs of Filipinos, especially the indigents,” dagdag niya.

Sa unang araw ng deliberasyon ng bicameral conference committee sa panukalang badyet para sa 2026 noong Sabado, itinaas ng mga mambabatas ang pondo ng MAIFIP sa P51 bilyon. Mas mataas ito sa P42 bilyon noong 2025 at lampas sa P49 bilyong panukala ng Kamara, na una namang ibinaba ng Senado sa P29 bilyon.

Nagpasya rin ang bicameral panel na maglaan ng P33 bilyon para sa farm-to-market roads, mas mataas kaysa sa P32 bilyon sa bersyon ng Kamara at doble ng P16 bilyong nakapaloob sa National Expenditure Program.

Ayon kay Lacson, matagal nang lantad ang MAIFIP sa political patronage dahil pinahihintulutan nitong mag-isyu ng guarantee letters ang mga opisyal ng pamahalaan para sa mga mahihirap na pasyente.

Isa sa kanyang mga prayoridad na panukala ang Senate Bill No. 404 na naglalayong alisin ang impluwensiya ng pulitika sa MAIFIP sa pamamagitan ng ganap na pagsasailalim nito sa balangkas ng Universal Health Care Act at pagpapataw ng parusa laban sa pampulitikang pagsasamantala at manipulasyon ng programa.

Sa mga deliberasyon ng Senado sa badyet, kinuwestiyon din ni Lacson kung ang listahan ng mga farm-to-market roads na planong pondohan mula sa P255.5 bilyong realigned funds para sa flood control projects ay nagmula sa Department of Agriculture o sa mga miyembro ng Kongreso.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.