MAYNILA — Sinita ng Commission on Audit (COA) ang Social Security System (SSS) sa pagbili ng 143,424 tissue papers noong 2024 na nagkakahalaga ng P13.195 million, na malinaw umanong nagpapakita ng poor planning.
Ayon sa COA, ang biniling tissue ay lagpas sa dalawang buwang kinakailangang supply ng SSS at hindi kasya sa kanilang storage facilities. “That the supply exceeded the agency’s two-month requirement, and a total of 116,046 rolls remained at the supplier’s custody without any agreement due to lack of policy on procurement of supplies and equipment,” ani COA.
Dagdag pa ng COA, ang transaksyon ay nakabase lamang sa verbal agreement at walang suportang dokumento o formal memorandum of understanding. Sinabi rin ng COA na hindi maayos na plinano ng SSS ang pagbili ng mga tissue papers. Ayon sa ulat, ang halagang ginastos sa tissue papers ay sana ay maaaring napakinabangan na ng 2,000 SSS pensioners o sa funeral benefits ng 650 deceased members.
Bukod dito, tinukoy ng annual audit report ang P3 million underpayment sa SSS funeral benefits. Nabunyag din na ilang deceased pensioners ay patuloy pa ring nakatatanggap ng pension benefits, na nagresulta sa overpayment na P24.811 million.
Ipinakita rin ng COA na nagbigay ang SSS ng cash incentives na P50,000 sa 6,525 officials and employees sa ilalim ng Prestige Award, na umabot sa kabuuang P333 million. Inatasan ng COA ang SSS na magsumite ng kanilang evaluation report kung paano tinutukoy ang pagbibigay ng cash incentives.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






