Kitchen Waste Management & Fermentation Seminar, isinagawa sa San Pablo City

0
367

SAN PABLO CITY, Laguna. Sa isinagawang Kitchen Waste Management and Fermentation Seminar kamakailan, binanggit nina City Environment and Natural Resources Officer (CENRO) Dennis A. Ramos at City Budget Officer at concurrent City Agriculturist Arthur B. Almario ang salitang “May pera sa basura.”

Sa kanilang mga pahayag, sinabi nila na ang pamamahala sa basura ay responsibilidad ng bawat barangay at mahalaga ang kanilang papel sa pagpapatupad nito. Naniniwala silang malaking tulong ang mga pagsasanay at proyektong tulad ng seminar na ito sa pamamahala ng kitchen waste sa bawat tahanan.

Dumalo sa seminar na ito ang 82 barangay kagawad at iba pang mga kawani ng lokal na pamahalaan ng San Pablo. Bahagi ito ng programa na “Greening and Restoring Laguna for a Healthy Environment” na pinangungunahan ni Laguna Governor Ramil L. Hernandez.

Layunin ng seminar na hikayatin ang bawat barangay na ipatupad ang responsable at maayos na pagbubukod ng basura at gawing kapaki-pakinabang para sa kanilang nasasakupan.

Ipinapakita rin na ang ganitong gawain ay maaaring maging kabuhayan at makatulong sa pagpigil ng maagang pagkapuno ng sanitary landfill.

Nagpasalamat ang lokal na pamahalaan ng San Pablo sa Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna, partikular sa PG-ENRO, sa pagbabahagi ng mga proyektong mag-aambag sa kanilang bayan at pangangalaga sa kalikasan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.