CALAUAN, LAGUNA. Pormal nang inihayag ni Calamba City Councilor Arvin Manguiat ang kanyang intensyong tumakbo bilang presidente ng Philippine Councilors League (PCL)–Laguna Chapter sa ilalim ng panawagang “Solid One Laguna.”
Ginawa ni Manguiat ang kanyang deklarasyon kagabi sa isang pagtitipon sa ATS Farm sa Calauan, Laguna, na dinaluhan ng kanyang buong tiket, mga kapwa konsehal at lokal na opisyal.
Kabilang sa mga pangunahing programa na kanyang isinusulong ay ang pagtatayo ng libreng water refilling stations sa bawat bayan at lungsod ng Laguna upang matulungan ang masa, pagpapatupad ng mga programang pangkalikasan gaya ng tree planting para maiwasan ang pagbaha, at pagbibigay ng scholarship sa mga anak ng mga konsehal at mga karapat-dapat na mamamayan.
Bukod dito, ipinangako rin niya ang digitalization ng mga opisina ng mga konsehal sa buong Laguna upang mas maging moderno, episyente, at abot-kamay ang serbisyo publiko.
Ayon kay Manguiat, layunin ng Solid One Laguna na pag-isahin ang lahat ng konsehal sa iisang adhikain ng kaunlaran at pagkakaisa. “Ang Solid One Laguna ay hindi lamang isang slogan kundi isang panata na iangat ang mga komunidad, bigyan ng kapangyarihan ang mga lider, at tiyakin na walang bayan o lungsod ang maiiwan,” aniya.
Nakatakdang idaos sa Styembre 6, 2025 ang halalan ng PCL–Laguna Chapter kung saan boboto ang mga konsehal mula sa iba’t ibang bayan at lungsod ng probinsya para sa kanilang susunod na lider. Kumpiyansa si Manguiat na ang kanyang track record at makataong programa ang magbibigay sa kanya ng tiwala ng kapwa lokal na mambabatas at higit pang pinagtibay ang kanyang kandidatura sa pamamagitan ng pormal na pag-endorso ni Laguna Governor Sol Aragones.

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






