NAIC, Cavite. Nahuli ang isang aktibong konsehala at ang kanyang mister, at dalawa pang kasama dahil sa illegal na pag-iingat ng mga armas sa kanilang tahanan sa Brgy. Timalan, Balsahan, sa bayang ito sa isang operasyon ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Kinilala ang mga inaresto na sina Maria Theresa B. Puno, 58-anyos, konsehala ng Naic, Cavite; ang asawa niya na si Joselito M. Puno, 59; at ang dalawang kasama na sina Jerone Gabelo, 36, at Jonard Crispo Adan, 35.
Ang operasyon ay isinagawa bandang 3:00ng hapon ng CIDG at Naic Police, bitbit ang search warrant na inisyu ni Judge Glenda Mendoza-Ramos, Executive Judge, RTC Branch 36 ng Calamba City, dahil sa paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms. Sa raid, narekober ang iba’t ibang uri ng mga baril, magazines, at mga bala.
Ngunit habang nasa kustodya ng pulisya ang konsehala at mister, may sumalisi at pumasok sa kanilang bahay ng pagpapanggap na mga pulis alas-7 ng gabi. Hinanap nila ang “Mrs. Puno” at nang hindi nila ito makita, agad nilang ninakawan at sinira ang mga gamit ng pamilya bago sila tumakas. Kabilang sa mga ninakaw ay isang susi ng Toyota Grandia, susi ng Mitsubishi Montero Sport, mamahaling speaker, drum set, Brand New Aircon, DSLR M50 Canon camera, at isang bag na naglalaman ng P500,000.
Ang mga suspek, pawang sibilyan lamang, ay naaresto at sinampahan ng mga kaso tulad ng robbery, malicious mischief, threat, at usurpation of authority.
Narekober ng pulisya ang mga sasakyan na ginamit ng mga suspek sa krimen, pati na ang iba pang ari-arian na kanilang natangay.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.